KINOMPIRMA ngayong Lunes, 11 Mayo, ni Davao City Mayor Sara Duterte na tumakas mula sa quarantine facility ang isang babaeng pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 noong Sabado, 9 Mayo.
Tumangging pangalanan ni Duterte ang pasyente ngunit sinabi niyang residente ang pasyente ng Barangay 23-C, isa sa mga COVID-19 hot spots sa lungsod.
Sumugod ang mga lokal na awtoridad sa naturang barangay upang puntahan ang bahay ng pasyente ngunit bigo silang makita.
Dagdag ng alkalde, may mga ulat na nagtangka rin ang ilang pasyente na tumakas mula sa mga pasilidad.
Saad ng lokal na pamahalaan, ibinibigay nila sa mga pasyente ang lahat ng kanilang pangangailangan upang maseguro ang ginhawa at kooperasyon.
Ayon kay Duterte, maaaring isa sa dahilan ng pagtakas ng pasyente ang kagustohang makita muli ang kaniyang pamilya.
Dahil dito, nagdagdag ng karagdagang seguridad sa mga naturang pasilidad.
Sa pinakahuling tala ng Department of Health, 159 ang kompirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Davao na hindi bababa sa 20 ang pumanaw.