IPINALIWANAG ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kung bakit siya bumoto na maisailalim sa General Community Quarantine (GCQ) ang Maynila kahit karamihan sa Metro mayors ay nais ma-extend ang enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Metro Manila.
Aniya, kahit ilagay sa GCQ ang Maynila, susundin pa rin ang health standard tulad ng pagsusuot ng face masks, proper hygiene, at social distancing.
Sa kanyang panukala na GCQ, mayroon pa rin dapat kapangyarihan ang Mayor na magdeklara ng barangay lockdown.
Bukod dito, hindi rin umano kakayanin ng national at local government ang magbigay ng ayuda kung magpapatuloy pa ang ECQ.
Bukod kay Moreno, bumoto rin sa GCQ si Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Nitong Sabado, nagpulong ang Metro Manila Council na kinabibilangan ng 17 mayors hinggil sa usapin kung dapat bang palawigin ang ECQ sa Kalakhang Maynila.
Naglatag ng tatlong pagpipilian ang MMC at bahala umano ang Inter-Agency Task Force (IATF) kung ano ang ipatutupad dahil susunod naman ang local government units. (VV)
KABUHAYAN
NAKATAYA
SA PAGLAWIG
NG ECQ
KINIKILALA ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang posibilidad na may mga kompanyang magbabawas sa kanilang labor force na magreresulta sa kawalan ng trabaho ng libo-libong manggagawa, sakaling palawigin pa ang umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa kabiserang lungsod ng bansa.
Sinabi ng alkalde, ang pinahabang ECQ, ay may negatibong epekto sa kabuhayan ng mga manggagawa.
Nakatakdang magdesisyon ngayon araw, 11 May ang alkalde kung palalawigin pa o hindi na ang lockdown.
“The more we prolong ECQ, companies will close, jobs will be lost. That is an undeniable fact,” pahayag ni Mayor Isko nang tanungin kung pabor siya sa pagpapalawig ng ECQ na mangangahulugan ng kawalan ng trabaho na aabot sa libo-libo ang bilang.
“Companies cannot afford to exist without income, without production. That is a fact. We cannot afford that, we want to help them,” dagdag ng alkalde.
Ginawa ng alkalde ang pahayag makaraang paboran nito ang pagsasailalim ng lungsod sa general community quarantine (GCQ).
Sinabi ni Mayor Isko, ang kalusugan ng publiko, dapat din binabalanse ng kanilang kabuhayan.
“Buhay and kabuhayan comes together. We cannot just address COVID-19 alone as government without source because the existing sources is depleting already,” pahayag ng alkalde.
Tiniyak ng alkalde na naghahanda na ang lungsod para sa posibilidad na tanggalin ang ECQ. (VV)
TONDO 1, MAY
PINAKAMARAMING
KASO NG COVID-19
SA MAYNILA
NAUNGUSAN ng Tondo Distrcit 1, ang Sampaloc sa rami ng naitalang kaso ng mga nagpositibo sa coronavirus (VOCID-19) sa Maynila.
Sa datos na iprenisinta ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso noong Sabado, nagpapakita na segunda ang Sampaloc sa may pinakamaraming
Kaso ng COVID-19 habang ang Tondo 1 ang nangunguna ngayon.
Ipinaliwanag ng alkalde, ang dahilan ng pagtaas ng bilang ng mga nagpositibo ay dahil tuloy-tuloy na ang mass testing na isinasagawa ng pamahalaang lungsod kasunod ng dalawang araw na lockdown sa nasabing lugar.
Nanatili sa ikatlong puwesto ang Tondo District 2 base sa naitalang active at suspect cases.
Ayon kay Mayor Isko, noong 9 Mayo, nakapagtala ng 876 kompirmadong kaso ng COVID-19 ang Maynila.
Nakapagtala rin ng 1,007 suspected cases habang 93 ang probable cases at 652 ang active cases.
Nasa kabuuang 141 ang bilang ng mga gumaling habang 83 ang mga namatay.
Kaugnay nito, sinabi ng alaklde, muli silang gagawa ng panibagong official website para mapuntahan ng mga residente ng Maynila at makakuha ng pinakahuling updates tungkol sa COVID-19 situation sa lungsod.
Bukod sa detalye ng mga kaganapan tungkol sa COVID-19 sa lungsod maaari rin makakita ng data sa bagong website.
“Maglalagay kami ng mga detalye sa mga darating na araw patungkol sa COVID,” ayon sa alkalde. (VV)