TINANGGAP ng mga Ayala ang paghingi ng paumanhin ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng umano’y masasakit na salitang nabitiwan ng chief executive laban sa kanila.
Anila, “Nagpapasalamat kami sa pahayag ni Pangulong Duterte sa kaniyang press briefing noong nakaraang gabi.
“Matatag ang aming paniniwala sa isang matibay na pagtutulungan ng mga pribado at pampublikong sektor sa pagtugon sa mga problemang kinakaharap ng bansa at sa patuloy na paglikha ng trabaho at pagpapabuti ng buhay ng bawa’t Filipino,” saad sa pahayag ng mga Ayala na pinamumunuan ng magkapatid na Jaime Augusto Zobel de Ayala, Chairman & CEO; at Fernando Zobel de Ayala, President & COO, kapwa ng Ayala Corporation.
Sa public address, sinabi ng Pangulo, “The COVID humbled me… I am ready to talk and I would be reasonable, to the Ayalas and to Pangilinan, I apologize for the hurting words. If you can find in your heart to forgive me, because if you do not, then if you do not want to forgive me I will undercut you I will go direct to God.”
Ipinahayag ito ni Duterte noong Lunes ng gabi.
Pinasalamatan din ni Duterte ang business sector sa bansa sa kanilang pagtulong ngayong panahon ng COVID-19 crisis.
“I’d like to thank you from the bottom of my heart for helping us provide the necessities of the moment,” dagdag ng Pangulo.
Kaugnay nito, nagpasalamat din ang mga Ayala.
Anila, “Kami ay nagpapasalamat sa pagkilala sa suportang ibinigay ng Ayala Group ng kasalukuyang administrasyon sa pagharap sa COVID-19.
“Patuloy ang aming tapat na suporta sa Pangulo at sa buong pamahalaan sa pagsugpo ng anomang suliranin na atin pang haharapin.
Naniniwala umano ang mga Ayala na: “Sa pagtutulungan natin, malalampasan natin ang problema, makapagliligtas tayo ng buhay, at maibabalik sa dating landas ang kaunlaran ng bansa.”