MAAARING iakyat ng ABS-CBN Corporation sa Korte Suprema (SC) ang cease-and-desist order na ipinalabas laban sa korporasyon.
Sinabi ito ni Senator Francis Pangilinan, isa rin abogado, kasunod ng pagpapatigil ng operasyon ng major network.
Malinaw, aniya, ito ay grave abuse of discretion dahil halatang pinag-initan ang ABS CBN sa isyu ng prankisa gayong maraming broadcasting companies ang nag-o-operate kahit wala nito.
“This is grave abuse of discretion. The justice secretary has said provisional authority can be issued by the NTC. The NTC action is highly irregular as it has issued hundreds of provisional authorities to other broadcasting companies pending the approval by Congress of their franchise. Singling out ABS-CBN is grave abusive of discretion,” pahayag ng Senador.
Bukod pa rito, sinabi ni Pangilinan na malaking kalokohan na dapat ay binibigyang prayoridad ng pamahalaan ang problema sa kawalang trabaho
ng milyon-milyong Filipino dahil sa kasalukuyang pandemya at hindi inuuna ang pagpapatigil sa operasyon ng ABS-CBN.
“Ito’y kalokohan. Sa gitna ng pandemya, ito ang inaatupag ng gobyerno. Halos 2.2 milyong Filipino na ang nawalan ng trabaho bunga ng COVID-19 pandemic at quarantine. Ang krisis ng kalusugan ay krisis na sa paggawa at pangkabuhayan ng mga kapamilya, kaibigan, kapitbahay, at kakilala. Stopping ABS-CBN’s operation would cut the income of another 11,000 employees. Wala na bang puso ang pamahalaan?” ani Pangilinan.
Maging si Sen. Risa Hontiveros ay pumalag sa naging pasya ng National Telecommunications Commission (NTC) laban sa ABS CBN.
“Nakababahala na habang nasa gitna tayo ng krisis ay pinapatigil mismo ang operasyon ng ABS-CBN. Ngayon pa habang napakahalagang maihatid ang mga impormasyon na dapat malaman ng publiko tungkol sa COVID-19 at sa mga programa na makatutulong sa kanila,” pahayag ni Hontiveros.
Sinabi ni Hontiveros, hindi napapanahon ang pagpapatigil sa operasyon ng network bilang major TV na pangunahing source ng balita habang nasa laban kontra pandemyang COVID-19.
“Given the circumstances, this cease-and-desist order by the NTC is ill-timed and insensitive to the needs of the public. The delivery of timely and correct information is essential to our COVID-19 response. This shutdown order goes against public welfare,” dagdag ng mambabatas. (CYNTHIA MARTIN)