MAARING magkaroon ng available na bakuna kontra COVID-19 sa buwan ng Setyembre.
Ayon kay Sarah Gilbert, professor of vaccinology sa Oxford University, inaasahan nilang sa Setyembre ay magiging available na ang bakuna.
Sa ngayon umano ay nagsasagawa ng human testing sa nilikhang bakuna ng Oxford.
Mahigit 1,000 katao ang kalahok sa trial.
Sa susunod na buwan ay inaasahang sisimulan ang produksiyon ng milyon-milyong bakuna.
Ang pinakamalaking drugmaker sa mundo na naka-base sa India ang magpo-produce ng bakuna na likha ng Oxford.
Samantala hindi rehistrado sa bansa ang Carrimycin tablet ayon sa Food and Drug Administration (FDA).
Ayon kay FDA chief Eric Domingo, ang naturang gamot ay hindi rin kabilang sa isinasailalim sa solidarity trial ng FDA para sa mga posibleng gamot kontra COVID-19.
Ayon kay Domingo, ang Carrimycin ay ginagamit ngayon sa China at sumasailalim pa lang sa clinical trials.
Ang naturang gamot ay ginamit ni AFP Chief Gen. Felimon Santos nang siya ay tamaan ng COVID-19.
Kumalat din ang kopya ng kaniyang sulat sa China na humihingi ng suplay ng gamot para maipagamit niya sa kaniyang malalapit na kaibigan na mayroong sakit.
Pero ayon sa AFP, binawi ni Santos ang liham matapos malaman na ito ay hindi rehistrado sa Filipinas.
(CYNTHIA MARTIN)