TINIYAK ni Senator Christopher “Bong” Go, kapakanan at kalusugan ng mga Filipino ang una sa konsiderasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga ilalabas nitong desisyon sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Go, binabalanse ni Pangulong Duterte ang sitwasyon tulad ng buhay ng tao, pangkabuhayan para may makain ang mga mamamayan at ang kapakanan ng frontliners.
Kaugnay nito, sinabi ni Go na dapat hintayin ng lahat ang susunod na desisyon ni Pangulong Duterte kung palalawigin ang enhanced community quarantine o luluwagan na sa mga piling lugar.
Mas mahalaga aniyang mapababa na ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 para sa kaligtasan ng mayoryang Filipino.
Pinasalamatan din aniya ni Pangulong Duterte ang mga dumalo sa pulong para matulungan siyang magpasya kabilang ang limang dating health secretaries ng bansa, Cabinet Secretaries at iba pang opisyal.
Samantala, kinompirma ni Go na bilang senador at Chairman ng Senate Committee on Health, sang-ayon siyang iba ang kaso ng National Capital Region dahil dito ang may naitalang pinakamaraming positibong kaso ng COVID-19. (NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN)