TUMUGON ang ehekutibo ang rekomendasyon ni Senator Christopher “Bong” Go na pagkalooban ng one-time “Bayanihan” financial assistance ang provincial local government units (PLGUs), katumbas ng kalahati ng kanilang one-month Internal Revenue Allotment (IRA).
Ang pormal na anunsiyo at detalye sa naturang ayuda ay ilalabas sa mga susunod na araw.
“Tama lang na tulungan natin ang mga probinsiya kahit sa pinakamalalayong lugar. Ang pondong ito ay magagamit para ma-equip ang kanilang mga ospital, madagdagan ang kanilang quarantine and health facilities, at higit sa lahat, mabigyan sila ng dagdag na kapasidad para makapagresponde sa mga pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan,” ani Go.
Ayon sa Senador, bagaman ‘one-time grant’ lamang ang dagdag na pondo ay malaki ang maitutulong nito para epektibong marespondehan ng PLGUs ang dagdag na pangangailangan ng kanilang constituents at suporta sa national government sa implementasyon ng mga hakbang para labanan ang COVID-19 crisis.
Binigyan-diin kamakailan ng senador na titiyakin ng PLGUs ang kahandaan ng provincial hospitals para sa COVID-19 health emergency lalo’t sa kanila nakatoka ang pagpopondo para rito, at ang tuloy-tuloy na operasyon ng mga naturang local health facilities.
“Marami sa mga patients natin ay sa provincial hospitals po unang dinadala. It is the PLGUs that pay for the operations of these hospitals,” paliwanag ng senador.
Bukod sa pagpopondo ng provincial hospitals, pinunto ni Go, na katulad ng mga lokal na opisyal ay tungkulin din ng PLGUs na tiyakin ang matagumpay na pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) measures, maglaan ng food assistance para sa lahat ng munisipalidad at siyudad sa kanilang hurisdiksiyon at higit sa lahat ay magbigay ng financial support, shelter, o quarantine quarters para sa mga stranded non-residents sa kanilang lugar.
Bilang miyembro ng Joint Congressional Oversight Committee na nakatutok sa implementasyon ng Bayanihan to Heal as One Act, pinaalalahanan ni Go ang PLGUs na panatilihin ang transparency and accountability sa lahat ng oras.
Idinagdag niyang ang pondo ay dapat eksklusibong magamit para sa pakay nito bilang tugon sa COVID-19 pandemic at batay sa determinasyon ng national government.
“Gamitin sa tamang pagtulong sa mga tao. Importante na malampasan natin ito nang sama-sama, walang politika, walang masasayang, at walang pinipili ang tinutulungan,” saad ng senador. (CYNTHIA MARTIN)