NAGSIMULA nang makatanggap ngayong Huwebes ng P4,000 tulong pinansiyal ang mga drayber ng traysikel, jeep, at pedicab ng Taguig bilang tugon ng pamahalaan sa epekto ng community quarantine dulot ng COVID-19.
Sa unang pagbibigay na isinagawa sa, halos 700 kasapi ng SUBTODAI, UBTODAI, BCBTTODA, UBTSA, MPC, at CBDCUBTODA ang nakatanggap ng kanilang P4,000 tulong pinansiyal.
Ginawa ang distribusyon per batch at mahigpit na nagpatupad ng social distancing upang maseguro ang kaligtasan ng mga driver.
Ang natitirang miyembro ay inaasahang matatatanggap ang kanilang P4,000 sa susunod na mga araw.
Mahigit sa 15,000 miyembro ng mga asosasyon ng tricycle operators at drivers (TODA), jeepney operators at drivers (JODA) at pedicab operators at drivers (PODA) ang tatatanggap ng ayuda mula sa pamahalaang lungsod.
Sa susunod na buwan, mamimigay uli ng karagdagang P4,000.
Inaasahang makasasapat ang P4,000 sa mga pangunahing gastusin ng pamilya sa gitna ng pandemyang COVID-19.
Hiwalay na tulong ito sa food packs na nauna nang ipinamahagi ng Lungsod ng Taguig.
“Laking pasalamat namin sa tulong na ito mula sa Taguig City government. Malaking bagay dahil hindi lang isang buwan kundi dalawang buwan matutulungan kami at ang aming mga pamilya,” saad ni Arvin Penolio, presidente ng UBTODAI.
Ayon kayo Penolio, tanggap niya kung bakit ipinagbabawal muna ang pamamasada dahil sa enhanced community quarantine.
“Ito ay para maging ligtas kami at ang pamilya namin sa sakit,” dagdag niya.
Bukod sa tulong pinansiyal, tumutulong din ang transport sector sa pag-disinfect ng mga pamayanang sakop ng kanilang ruta, gamit ang sprayers na ibinigay ng pamahalaang lungsod.
“Isang pamilya tayo rito sa Taguig. Kaya naman tulong-tulong lahat upang malagpasan ang ganitong pagsubok,” sambit ni Penolio.
Ang ayudang ito para sa transport sector ay isa lamang sa mga inisyatibo ng lokal na pamahalaan ng Taguig upang makapag-abot ng tulong sa mga residente sa panahon ng enhanced community quarantine.
Nakapagbigay na rin ang lungsod ng mga stay-at-home family food packs at ng anti-COVID 19 kits sa komunidad.
Nitong 1 Abril 2020, ang pamahaalang lungsod ay nakapamahagi na ng 104,612 stay-at-home family food packs sa mga pamilyang Taguigeños.
Ang mga food packs ay naglalaman ng bigas, mga de lata, noodles, kape, cereal drink, at tubig na inumin. Ang food packs ay sapat sa 3-4 araw sa pamilyang may 5 miyembro.
Naipamahagi ng Lungsod Taguig ang 54,904 anti-COVID-19 kits sa senior citizens, PWDs, at ang mga taong mahina ang panlaban sa sakit. Ang kit ay naglalaman ng mga bitaminang aabot hanggang sa 30 araw, masks, mga antibacterial na sabon, at mga materyales na naglalaman ng impormasyon sa tamang paghuhugas ng kamay, paano maglinis ng kanilang tahanan at kapaligiran, at iba pang mahahalagang impormasyon na kailangan malaman ukol sa sakit na COVID-19.