IPINAG-UTOS at agarang ipinatupad ang citywide liquor ban ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa buong Maynila.
Nakapaloob ang nasabing kautusan sa Ordinance No. 5555 na kinabibilalangan ng pagbebenta at paggamit o pag-inom ng nakalalasing na inumin sa lahat ng kalye sa lungsod.
Ang hakbang ni Mayor Isko ay kaugnay ng reklamo laban sa mga residenteng matitigas ang ulo na patuloy na nag-iinuman sa kalsada at kapag nalalasing, gumagawa ng gulo at nagiging hadlang sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine at social distancing na pangunahing paraan upang hindi kumalat ang sakit na COVID-19.
Sinabi ng alkalde, ang liquor ban ay mananatiling nakataas sa Maynila habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine at hindi binabawi ang state of calamity.
Inatasan ni Isko ang Manila Police District (MPD) at lahat ng punong barangay na epektibong maipatupad ang nasabing prohibisyon.
“Violation of this order by any natural or juridical person shall lead to the revocation of its (seller’s) mayor’s and business permits,” ayon kay Moreno.
Idinagdag na ang mahuhuling nag-iinuman ay sasampahan ng kaso, pagmumultahin at ikukulong alinsunod sa desisyon ng korte.
Ayon kay Mayor Isko, nalungkot siya nang makarating sa kanya ang ulat na ang mga tauhan ng DPS na naghahatid ng food boxes ay mabangga ng isang lasing at hindi pa nakontento, inaway sila imbes magpakumbaba at humingi ng despensa.
Ang kautusan ni Isko ay nag-ugat sa Proclamation 922 ni President Roddrigo Duterte noong 8 Marso, na nagdedeklara ng state of public health emergency dahil sa pandemikong COVID-19.
Ang deklarasyon, humihikayat sa lahat ng government agencies at local government units na gumawa ng nararapat, napapanahon at kritikal na tugon upang mapigilan ang pagkalat ng virus.
“Section 455 of the LGC provides for the powers of the city mayor for efficient, effective and economical governance for the general welfare of the city and its inhabitans, which include the power to carry out such emergency measures as may be necessary during and in the aftermath of man-made and natural disasters and calamities,” saad sa nasabing batas.
Samantala, ang bilang ng persons under investigation (PUIs), nasa 192 base sa public announcement ni Mayor Isko noong Sabado, na may dagdag na 27.
Tiniyak ng alkalde, 24/7 nagtatrabaho ang pamahalaang lungsod at nakikiusap sa partisipasyon at pakikipagtulungan ng lahat ng mga mamamayan. (VV)