Ulat kinalap ng Editorial Team
WALONG pasahero, na kinabibilangan ng isang pasyente, ang iniulat na namatay nang sumabog at magliyab ang isang pribadong eroplano na nakatakdang sumalipawpaw patungong Japan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kagabi.
Sa inisyal na impormasyon, nabatid na ang eroplano, isang civilian aircraft na pag-aari ng Lion Air Incorporated, RPC 5880 ay nasa dulo na ng NAIA runway 24 at paangat na upang lumipad nang biglang sumabog at magliyab, dakong 8:00 pm, ayon sa ulat ng DZRH.
Bibiyahe ang eroplano patungong Haneda, Japan, sakay umano ang isang pasyenteng Canadian.
Sa manifesto ng eroplano, sinabing ito ay patungong Tokyo, Haneda at ang misyon ay medical evacuation.
Nabatid na ang mga pasahero ay isang flight med, isang rurse, doktor, 3 flight crew na kinabibilang ng dalawang piloto, isang pasyente, at ang alalay ng pasyente.
Kinilala ang mga pasahero batay sa manifesto na sina Ren Edward Nevado Ungson, 41 anyos, Capt.;
Melvin Bruel De Castro, 41 anyos, Capt.; Mario Rosello Medina, Jr., 69, anyos, Capt; Edmark Agravante Jael, flight med; Cenover Nicandro Bautista II, 34 anyos, medical doctor; Conrado Tomeldan, Jr., 33 anyos, registered nurse; John Richard Hurst, 64 anyos, Canadian citizen, pasahero; at Marilyn Vergara de Jesus, 59 anyos, US citizen, pasahero.
Hindi iniulat kung apektado ng COVID-10 ang pasyente.
Agad umanong nagresponde ang dalawang firetruck mula sa 520ABW at naapula ang apoy dakong 9:00 pm.
Ngunit sinabing walang nakaligtas sa mga sakay ng eroplano.