HANDA si Manila Mayor Isko Moreno sakaling magkaroon ng “mass outbreak” ng COVID-19 sa Maynila.
Sa ginanap na public briefing ng Laging Handa, sinabi ni Moreno na iko-convert niya ang sampung palapag na gusali ng Sta. Ana Hospital bilang COVID-19 hospital.
Una nang binuksan ni Moreno ang 10/F ng gusali bilang isang Infectious Disease Control Center na may 19 kuwartong available para sa mga COVID patients.
Sa sandaling lumala pa ang kaso, maaari nilang gamitin ang evacuation centers para pagdalhan sa mga pasyente na may mild symptoms at kung talagang pumutok nang husto ang virus, inihahanda na niyang gamitin ang may 5,000 public school buildings para magamit ng patients under investigation (PUIs).
Sa kasalukuyan, nabatid na may 30 COVID-19 patients ang Maynila.
Kasabay nito, nanawagan si Moreno sa mga mamamayan na huwag mag-share ng mga pekeng impormasyon na maaaring magdulot ng panic sa mga mamamayan.
Gayondin, kailangan sumunod sa ipinatutupad na enhanced community quarantine. (VV)