KAKANSELAHIN ang permit ng mga puneraryang tatanggi sa mga labi ng mga pasyenteng namamatay sa mga ospital sa Maynila.
Ito ang babala ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso kasabay ng panawagan sa lahat ng punerarya sa lungsod na tanggapin ang mga labi at bigyan ng karampatang serbisyo.
“Sa lahat ng punerarya, ayokong may mauulit na insidente na may isang patay, habang nagdadalamhati ang pamilya aabusuhin ang kanilang kalugmukan.
“Huwag na huwag n’yong gagawin ‘yan sa panahong ito.
“Nagnegosyo kayo, hanap-patay. May namatay, kunin n’yo. Bigyan n’yo nang maayos at disenteng serbisyo,” pahayag ng alkalde.
Ayon sa alkalde, hindi dapat gawing dahilan ang lumalaganap na coronavirus disease (COVID-19) upang tanggihan ang mga bangkay na galing sa mga ospital.
“Kung may pangamba kayo na PUI sila, alam n’yo din na may mga protocol na dapat sundin. Pinasok n’yo ang negosyo na ‘yan, tupdin n’yo ang tungkulin n’yo,” banta ni Mayor Isko.
Mahigpit na pinaalalahanan ng alkalde ang mga negosyante na patuloy na umaabuso sa gitna ng krisis na hinaharap ng lungsod.
“Hindi ko bibigyan ng puwang ang mga umaabuso at mapagsamantalang kompanya sa panahon ngayon. You will regret this. As long as I am the Mayor of the City of Manila, you will never be allowed to do business again. Hindi ko kayo papayagang makapaghanapbuhay sa Maynila kung mga abusado kayo,” babala ng alkalde. (VV)