ARESTADO ng mga awtoridad ang mag-ama sa isinagawang entrapment operation sa online selling ng mga pekeng gamot sa COVID-19 sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Northern Police District (NPD) director P/BGen. Ronaldo Ylagan ang mga naarestong suspek na kinilalang sina Ismael Aviso, Sr., at Ismael Aviso, Jr., kapwa residente sa Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS).
Dakong 3:30 pm, bago maaresto ang mga suspek, unang nakipag-ugnayan ang mga tauhan ng Philippine National Police Regional Anti-Cybercrime Unit-1 sa pangunguna ni P/Col. Julius Suriben sa NPD at Navotas City Police sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Col. Rolando Balasabas para sa isasagawang buy bust operation laban sa mag-ama sa Dagat-Dagatan, Brgy. NBBS.
Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na nagbebenta umano sa online ang mga suspek ng pekeng gamot sa COVID-19.
Nang tanggapin ng mga suspek ang P7,500 marked money mula sa isang nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng pekeng gamot at spray products ay agad silang sinunggaban ng mga pulis.
Ayon kay Ylagan, bukod sa pagbebenta ng pekeng ‘gamot’ sa COVID-19, sasampahan din ng kaso ang mga suspek dahil sa pagpo-post ng maling impormasyon ukol sa kanilang huwad na produkto. (ROMMEL SALES)