IPINAHAYAG ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na mamamahagi ang mga barangay sa Kamaynilaan ng home quarantine pass sa bawat pamilya sa gitna ng “enhanced community quarantine” na ipinatutupad sa Luzon.
Sa Facebook post ni Sangguniang Kabataan Chairman Erick Lat, ibinahagi niya ang larawan ng passes na ibibigay sa bawat bahay sa Barangay 775 sa Santa Ana, Maynila.
Maaaring gamitin ito ng kahit na sinong miyembro ng pamilya at dapat nilang dalhin kung bibili sila ng pagkain at gamot sa labas ng kanilang tahanan.
“Kung wala tayong pass, huhulihin po tayo kung tayo ay lalabas ng bahay,” wika ni Lat.
Kasalukuyang ginagawa ang naturang passes at ipamamahagi ng mga opisyal ng barangay kapag natapos na ito.
Estriktong ‘home quarantine’ ang ipinatutupad sa ilalim ng “enhanced community quarantine” na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte. (VV)