NAITALA ang kabuuang bilang na 7,704 katao sa lalawigan ng Pangasinan na ikinokonsiderang persons under monitoring (PUMs) para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa kabila ng paniniyak ng health officials na wala pa rin kompirmadong kaso sa probinsiya.
Lomobo ang bilang ng PUMs matapos umuwi ang ilang mga estudyante nang sumailalim ang Metro Manila sa community quarantine.
Ipinag-utos ng pamahalaang panlalawigan na mag-report ang mga dumarating na residente sa kanilang mga barangay upang maitala.
Ikinasa rin ang mga barangay health emergency response team (BHERT) upang mabantayan ang mga PUM na inabisohang sumailaim sa home quarantine ng 14 araw.
Nakita sa talaan ng local health office na hindi bababa sa 16 katao mula sa listahan ng mga PUM ang nakakompleto na ng 14-araw quarantine period.
Hanggang 8:00 am nitong Lunes, 16 Marso, nakapagtala ng 11 patients under investigation (PUIs) sa iba’t ibang pagamutan na lima sa kanila ang nakauwi sa kanilang mga tahanan.