INIANUNSIYO ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong nitong Lunes, 16 Marso, ang paglalagay sa Summer Capital ng bansa sa ilalim ng community quarantine upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Inilabas ang deklarasyon sa gitna ng paglaki ng bilang ng mga person under monitoring (PUMs) para sa COVID-19 sa kalapit na mga lalawigan at mga munisipalidad.
Sa kabila nito, nananatili pa rin na walang kompirmadong kaso ng respiratory disease sa lungsod, ayon sa local health officials.
Dagdag ng alkalde, hindi maituturing na ‘lockdown’ ang quarantine na tatagal hanggang 15 Abril 2020 dahil hindi tuluyang ipatitigil ang pagkilos ng mga tao.
Aniya, maglalagay sila ng mga mekanismong maghihigpit sa mga control and response measure kabilang ang health declaration form para sa contact tracing.
Noong Linggo, 15 Marso, isinailalim ng lokal na pamahalaan ang lalawigan ng La Union sa community quarantine upang mapigilan ang paglaganap ng virus.