HINDI biro ang hinaharap na pagsubok ngayon ng buong mundo dahil sa patuloy na pagkalat ng coronavirus o COVID-19.
Likas man ito o bio-chemical warfare na ipinakalat umano ng mga kolonyalista, wala na tayong magagawa kundi harapin ito nang buo ang loob, may pagkilala sa ating mga lider, nagkakaisa at higit sa lahat may pananalig sa Dakilang Lumikha.
Hindi emosyon ang kailangan nating pairalin sa labang ito. Dapat ay gumamit tayo ng isip. Hindi lamang mga doktor o opisyal ng gobyerno ang may responsibilidad para mapawi o tuluyang puksain ang kumakalat na coronavirus o COVID-19.
Mismong tayo sa sarili natin ay dapat maging maingat upang hindi na tayo maging biktima ng coronavirus. Ang pagiging ligtas natin at ng ating pamilya sa virus na ito ay malaking tulong sa ating bayan at sa ating pamahalaan.
Marami ang hindi nasisiyahan sa ‘lockdown,’ pero sa mga bayan na nakaranas na magkaroon ng kaso ng COVID-19, mas pabor sila sa pagkakaroon ng ‘community quarantine’ o kahit ‘lockcdown’ pa ‘yan.
Sa mga inilunsad na community checkpoints sa hangganan ng bawat lungsod, makikita ang mga kagawad ng pulisya at militar na siyang kumukuha ng thermal temperature ng bawat pasahero o motorista.
Pero kapansin-pansin na tila isa lang ang thermal scanner sa bawat checkpoints. Naturalmente magiging mabagal at mag-iimbudo ang mga sasakyan at mga pasahero sa checkpoints.
Kung ganoon ang mangyayari, magkakaroon na naman ng panganib na magkahawaan sa checkpoints?!
Sana’y makita agad ito ng mga awtoridad nang sa ganoon ay hindi na maging komplikado pa ang mga sitwasyon sa susunod na araw.
Mga suki, sana’y magkaisa tayo sa pag-iingat at paglaban sa COVID-19.
Kaya natin ito!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap