MISTULANG etsapuwera at inilampaso si House Committee on Energy Chairman Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ng House Committee on Public Accounts and Public Accountability at House Committee on Good Government nang makakolekta ng P46 bilyones sa mga utang ng power firms mula sa Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM).
Kahapon, itinuloy nina House Committee on Public Accounts and Accountability chairman Anakalusugan Rep. Mike Defensor at House Committee on Good Government chairman Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvarado ang imbestigasyon sa P95 bilyong utang ng power firms sa gobyerno ngunit kapansin-pansing hindi lumahok ang komite ni Velasco.
Una nang inimbitahan nina Defensor at Sy-Alvarado si Velasco na makiisa sa imbestigasyon matapos ilutang ni Surigao Rep. Johnny Pimentel ang House Committee on Energy ang may hurisdiksiyon na mag-imbestiga sa utang ng power firms pero ‘no show’ sa ikatlong pagdinig kahapon.
Ang komite ni Velasco ang may oversight power sa PSALM at sa buong power generation industry pero kahit apat na taon na siyang chairman ng komite, hindi umano nagsagawa ng imbestigasyon sa isyu dahil sa pagiging malapit sa negosyanteng si Ramon Ang na may-ari ng South Premier Power Corp. (SPPC), may P24 bilyones utang sa gobyerno.
Malalim ang koneksiyon ni Velasco kay Ang dahil ang negosyante ang sinasabing financier nito sa pagtakbo sa Speakership race na ilang mga produkto ng San Miguel Corp ni Ang gaya ng mga delata at ham ang kalimitang giveaway ng mambabatas.
Ang asawa niyang si Wen Velasco ay personal assistant ng tycoon. Malaki rin ang shares of stocks ni Velasco sa San Miguel at Petron Corporations ni Ang.
Si dating Supreme Court justice at ngayon ay Marinduque Governor Presbitero Velasco naman ang ponente sa desisyong pumabor sa San Miguel Corp., upang mapasakompanya ang pinaglalabanang coconut levy funds.
Una nang sinabi ni Defensor, hindi nila hihintayin na umaksiyon si Velasco kung may personal siyang kadahilanan ngunit hindi mapipigilan ang kanilang komite na habulin ang power firms kabilang ang SPPC.
Ayon kay Defensor, inaasahan nilang makakolekta ng P46 bilyon na magagamit ng gobyerno sa mga priority programs nito kasama ang pandagdag pondo sa pagtugon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kabilang sa nag-commit na magbabayad ang SPPC na aabot sa P22.6 bilyon bilang advance sa kanilang monthly payment sa PSALM mula Marso 2020 hanggang Hunyo 2022, ang commitment ng SPPC ay upang may magamit na pondo ang gobyerno sa mga programa nito.
Handa ang SPPC na magbayad ng cash kung tatanggapin ng gobyerno ang alok nitong advance payment.
Sinabi ni Defensor, bukod sa makukuha sa SPPC ay may P23.6 bilyon pang kokolektahin mula sa iba pang power firms kabilang dito ang Meralco, P15 bilyon; Northern Renewables Generation Corp., P4.6 bilyon; Filinvest Development Corp. (FDC) Misamis Power Corp., P2.6 bilyon, at FDC Utilities, Inc., P1.2 bilyon.
“Since we started the inquiry, there has been a lot of movement in the energy sector. We have to help the government collect the huge indebtedness of P95.4 billion or this would eventually be absorbed by Filipino consumers in terms of higher electricity rates,” pahayag ni Defensor.
Alinsunod sa charter ng PSALM ang corporate life nito ay magtatapos sa 2026 kaya naman sinabi ni Defensor na hindi kailangan manahimik ang Kamara sa isyu at habulin ang mga may utang na power firms.
Umaasa si Defensor na ang iba pang mga independent power producers at electric cooperatives ay susunod rin sa hakbang ng ibang kompanya at magkukusang magbayad ng kanilang mga utang.