UNA, nagpapasalamat po tayo sa mabilis na pagtugon ni Airport Police Department (APD) manager, Col. Jose Rizaldy S. Matito sa inilabas nating kolum hinggil sa mga naglipanang ilegalista sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 na walang awang binibiktima ang mga kababayan nating overseas Filipino workers (OFWs) at turista.
Hindi lang OFWs, inilagay pa sa kahihiyan ang ating bansa nang biktimahin ang isang consultant ng World Health Organization (WHO) last year.
Nagpapasalamat din tayo, dahil, sa kabila ng mga sulsol-urot na nagsasabing ‘luma’ na ang isyung ating tinalakay ‘e hindi iyon pinakinggan ni Col. Matito at sa halip ay agad iniutos kina AP/Supt. William Dolot, Officer-In-Charge (OIC) ng Terminal Police Division at AP/Sr. Insp. Reynante Jimenez Datu na imbestigahan ang insidente at mga personaheng nabanggit natin sa ating kolum.
Ganito po ‘yung eksaktong larawan ng pagtutulungan ng mga mamamahayag at ng mga awtoridad upang tulungan ang ating pamahalaan na maituwid ang mga maling gawain.
Sana po lahat ng opisyal ng gobyerno na ating nakakanti sa ating kolum ay gaya ni Col. Matito na kahit may mga ‘sulsol-urot’ ay hindi nagpapaimpluwensiya at sa halip ay gumagawa ng sariling aksiyon para magkaroon siya ng sariling impormasyon na pagbabasehan niya ng kanyang desisyon.
Uulitin lang po natin, thank you Col. Matito.
Pero medyo nalito po ako sa ulat sa inyo ni AP/Sr. Insp. Reynante Jimenez Datu na umabot sa ‘40 solicitors’ ang nabigyan nila ng stern warnings at inendoso sa MIAA-IID para sa imbestigasyon kaugnay ng kanilang mga iregular na aktibidad.
Kabilang umano riyan ang mga protektado ng isang alyas Kupitan ‘este’ “Kapitan Tani” na grupo nina Yurhi, Lakap, Ed Tulo, Gulay bros, Milher, Pinky, May, Mimi, Judith, at Marisel.
Ang petsa ng pagkakasita sa grupong ‘yan at iba pa ay mula 12 Disyembre 2019 hanggang 2 Marso 2020.
Batay pa rin sa imbestigasyon ni AP/Sr. Insp. Datu, natuklasan din nila ang insidenteng biniktima si Dr. Navin Ghimire, ang consultant ng World Health Organization (WHO), nina alyas Mimi, Sam, at Junrell.
At medyo sumablay ang informant natin dahil hindi P2,500 ang nadale kundi US$3,500 cash at US$500 mula sa credit card.
So lahat po ng nabanggit natin sa ating kolum ay nakompirma ni Col. Matito sa pamamagitan ng imbestigasyon na kanyang iniutos.
Pero nakalilito po talaga, Col. Matito, kasi hanggang ngayon po ay bakit namamayagpag pa rin ang ilan sa kanila kung hindi man lahat.
Visible na visible pa rin sila lalo sa Middle East flights at patuloy na nag-aalok ng overpriced air ticket sa overseas Filipino workers (OFWs) patungo sa probinsiyang kanilang uuwian at ‘tatagain’ nang husto ang presyo ng air ticket.
At higit sa lahat, hindi pa rin lumutang sa imbestigasyon ni AP/Sr. Insp. Datu kung sino ang kasanggang ‘kapitan’ ng mga ilegalista sa NAIA terminal 1?!
Ibig po nating sabihin Col. Matito, mukhang kailangang ibang yunit na ang mag-imbestiga upang hindi mabalewala ang inyong pagsisikap na walisin ang mga ‘iregular’ kung hindi man ‘ilegal’ na gawain sa NAIA terminal 1.
Hindi ka namin iiwan diyan Col. Matito, hanggang matumbok ninyo kung sino ang ‘nong-ni’ ng mga nagpapabalik-balik na ilegalista sa NAIA terminal 1.
Go, Col. Matito Sir!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap