‘GHOSTING’ ang nakikitang estilo ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco dahil halos walang paramdam na interesado siyang makiisa sa House Committee on Public Accounts and Public Accountability at House Committee on Good Government sa ginagawang House Inquiry sa P95 bilyong utang ng power firms sa Power Sector Assets and Liabilities Management Corp (PSALM).
Ayon kay House Committee on Public Accounts and Accountability Chairman at Anakalusugan Rep. Mike Defensor bukas ang kanilang komite ni Bulacan Rep. Jonathan Alvarado na House Committee on Good Government para sa komite ni Velasco kung nais nitong tumulong sa imbestigasyon gayonpaman sa 10 Marso na nakaiskedyul ang ikatlong hearing ngunit walang pasabi ang kampo ni Velasco.
Ayon kay Defensor, wala rin masama kung tatlong komite ang mag-imbestiga, basta iisa ang aming layunin, at ito ay makasingil ang gobyerno sa bilyong utang ng power firms,” paliwanag ni Defensor.
Ipinagmalaki ni Defensor na bilang resulta ng dalawang beses na pagdinig na ginawa ng kanilang komite ni Alvarado ay nangako ang power producers na magbabayad ng utang maliban sa South Premier Power Corporation (SPPC) na may P24 bilyong utang.
Ang SPPC ay pagmamay-ari ng San Miguel Corporation (SMC). Ang SMC naman ay pagmamay-ari ni Ramon Ang na siyang ninong ni Velasco.
Mismong si House Speaker Alan Peter Cayetano ay kinastigo rin si Velasco sa kawalang aksiyon ng kanyang komite sa multi-bilyong utang ng mga power firms. Aniya, literal na inupuan ni Velasco ang isyu bilang pagtatakip sa SPPC.
Si Velasco ay malapit kay Ang na sinasabing financier nito sa pagtakbo bilang House Speaker.
Ani Cayetano hindi na siya nagtataka kung bakit nais ni Velasco na manatili bilang Chairman ng House Committee on Energy, ang puwesto na kanyang inokupahan mula taong 2016.
“I offered him the position of senior deputy speaker, I offered him na everyday kasama siya sa lahat, ayaw niya, gusto niya Energy chairmanship. Tapos ngayon nagrereklamo sila (Velasco camp), bakit ang Committee on Public Account at Committee on Good Government ang nag-iimbestiga ng daan-daang bilyong utang ng power producers sa PSALM. He’s the Energy chair and yet he doesn’t want to conduct hearings on debt owed to PSALM,” paliwanag ni Cayetano.
Si Velasco na kilalang malapit kay Ang ay kasama sa top 100 stockholders ng San Miguel at Petron na mga pagmamay- ari ni Ang.
Madalas din mamigay ng San Miguel at Petron products si Velasco pag may okasyon tulad ng Pasko. Ang asawa ni Velasco na si Wen ay personal assistant ni Ang at madalas nabibiyayaan ng pondo mula San Miguel at Petron foundations para sa kanilang mga proyekto.
Ang ama ni Lord Allan na si dating Supreme Court Justice Presbitero Velasco, na ngayon ay gobernador ng lalawigan ng Marinduque, ang ponente sa desisyon ng Korte Suprema na mapasakamay ng San Miguel ang shares of stocks mula sa kontrobersiyal na coconut levy fund.
Kung ang iba umanong power firms ay nangakong magbabayad ng utang ay nakapagtatakang hindi masunod ito ng SPPC.
HATAW News Team