KUNG sa opinyon ng maraming nakapanood sa hearing ng komite ni Senador Risa Hontiveros tampok ang isyu ng sex trafficking sa hanay ng POGO workers na ‘di naglaon ay napunta sa ‘Pastillas scam’ ay malaking usapin ang kanilang natisod, hindi sa mga tinatawag na ‘eksperto’ sa kalakaran sa loob ng Bureau of Immigration (BI).
Ayon sa ilang mga taga-BI, tila ‘malabnaw’ ang nagaganp na hearing sa Senado dahil lumalabas na pawang ‘hearsay’ lamang ang binabanggit ng whistleblower na si Allison Chiong at ng kolumnista/broadcaster na si Mon Tulfo.
Bakit hearsay?
Wala umanong direct communications na nag-uugnay sa ‘Pastillas 19’ at sa itinuturong promotor o leader nito na si Red Marc Mariñas.
Una, ang ipinakikitang ebidensiya ay isang ‘viber’ group na daluyan umano ng kanilang komunikasyon.
E ang habang proseso para maging ‘authentic’ ang viber conversation na ‘yan.
Maliban sa viber group na ‘yan, wala nang iba pang ebidensiya na makapagtuturo sa pagsasangkot sa ‘Pastillas 19.’
Ang itinuturo nilang utak na si Red Mariñas ay matagal nang nag-resign sa BI dahil nais niyang tahakin ang pagsisilbi sa kanyang mga kababayan sa Muntinlupa City.
Kabilang sa Pastillas 19 sina Francis Dennis Robles, Glenn Ford Comia, Cecille Jonathan Orozco, Rodolfo Magbuhos, Jr., Erwin Ortañez, Deon Carlo Albao, Denieve Binsol, Paul Eric Borja, Abdul Fahad Calaca, Benlado Guevarra, Anthony Lopez, Bradford Allen So, Gabriel Ernest Estacio, Chevy Chase Naniong, Dimple Mahyumi Mallari, Danilo Deudor, Ralph Ryan Garcia, Phol Villanueva, at Fidel Mendoza.
‘Yang Pastillas 19 na ‘yan ay tinanggal na lahat sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at pinagre-report sa Chief of Administrative Division para sa kaukulang disposisyon.
‘Yan ay batay sa pinakahuling Personnel Order ni Immigration Commissioner Jaime Morente.
Kaya ang tanong ngayon, saan mapupunta ang imbestigasyong ito ni Senator Ria Hontiveros?!
Ano ang magiging ending nito?!
Ilang araw nang lumalarga ang imbestigasyon pero lumalabas na walang matitibay na basehan ang mga ‘ibinubulgar’ ni Chiong.
Hindi kaya tuluyang maletse ang mga pagbubulgar na ‘yan laban sa Pastillas 19 lalo ngayong maging si dating justice secretary Vitaliano Aguirre ay isinasangkot sa ‘Pastillas scam’ pero walang mabigat na basehan?!
Sa katunayan, rumesbak na si ex-secretary Aguirre laban kay Mr. Mon Tulfo at sinisi pa ang utol na si Wanda Tulfo-Teo?!
Wish lang natin na huwag mapunta sa wala ang nasabing imbestigasyon.
Dapat ay makapagharap si Chiong ng mga tao o ebidensiyang magpapatunay kung paano lumalarga ang ‘Pastillas scam.’
Dig pa more, Madam Senator Risa!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap