MATAPOS ang mahigit isang-taon pagtatago, isang lalaki na wanted sa dalawang kaso ng panghahalay at nasa listahan ng 6 most wanted person ang nasakote ng mga awtoridad nang tangkaing bumisita sa kanyang bahay sa Navotas City.
Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas ang suspek na si Jaymart Gozon alyas Bench Evo, na hindi pumalag nang arestohin ng mga elemento ng Intelligence Section sa pangunguna ni P/Lt. Charlie Bontigao dakong 7:00 pm sa kanyang bahay sa Dr. Bausa St., Brgy. Bagumbayan South.
Dinakip ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Navotas Regional Trial Court (RTC) Judge Ronald Torrijos ng Branch 288 dahil sa dalawang bilang ng panghahalay at paglabag sa RA 9262 o Anti Violence Against Women and their Children Act na inisyu ni Judge Catherine Therese Tagle-Salvador ng Malabon RTC Branch 73.
Ayon kay Col. Balasabas, ang dalawang kaso ng rape ay isinampa kontra Gozon nang ireklamo ng dalawang beses na panggagahasa sa isang 21-anyos na babae mula sa San Pedro, Laguna noong 3 Enero 2019 sa loob ng kanyang bahay sa Dr. Bausa St., Brgy. Bagumbayan South.
Nang mabigo ang pulisya na maaresto si Gozon matapos ang reklamo ng biktima sa Navotas Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD), isinampa ang kaso sa korte kontra sa suspek ni Assistant City Prosecutor Gilbert Cruz, kaya’t nag-isyu si Judge Torrijos ng arrest warrant kontra sa kanya noong 6 Mayo 2019.
Kaagad ikinasa ng pulisya ang isang “Manhunt Charlie” kontra kay Gozon matapos siyang mapasama sa listahan ng top 6 most wanted person sa lungsod hanggang maaresto makaraan ang ilang linggong pinaigting na surveillance at intelligence operation.
(ROMMEL SALES)