MATINDING disgusto ang naramdaman ng majority members ng Philippine Councilors League (PCL) nitong Huwebes sa kanilang eleksiyon na ginanap sa Pasay City.
Nagkaroon kasi ng ‘glitch’ sa sistema. ‘Yun bang tipong kapag ibinoto ang isang kandidato, ‘yung pangalan no’ng kalaban ang lumalabas.
Magkatunggali sa puwestong National Chairperson ang nakaupong si Davao City Councilor Danilo Dayanghirang laban kay Polangui Councilor Jesciel Salceda.
‘Yung isang konsehal, ang ibinoto umano niya ay si Dayanghirang pero ang lumabas sa balota niya si Salceda.
Wattafak!
At mukhang hindi lang isang konsehal ang nakaranas, marami sila.
Naging matindi ang disgusto ng mga konsehal kasi nasayang umano ang oras nila. Mantakin ninyong marami sa kanila ay galing sa malalayong probinsiya o lugar tapos ganoon ang mangyayari sa eleksiyon?
Sabi nga nila, dapat manual election na lang pero hindi naman daw agad nagdesisyon ang tumatayong election board.
At sa huli nagdesisyon na lang silang ideklarang may failure of elections.
Pero ang pinakamatindi rito, ‘yung isang kandidato umano sa PCL ay kilalang minamanok ng isang kilalang politiko sa north Luzon.
Bahagi umano ito ng build-up preparation ni Mr. Politician from the north para ikamada ang ‘target forces’ nila sakaling magpasyang kumandidato ang bilyonaryong minamanok niya for national elections.
Pero, bilib din tayo sa mga konsehal, bago kasi ang actual elections, maraming nakakita sa kanila sa Macapagal Blvd., at sa Aseana.
Iba’t ibang hotel din umano ang pinanggalingan. May galing sa Conrad, sa Midas, sa Solaire, at sa Sofitel. Depende siguro kung saang city sila galing kaya sa iba’t ibang hotel sila naka-billette.
Sabi nga sa kasabihan, kung sino ang law maker, sila rin ang law breaker.
Ganoon kaya ang nangyari sa eleksiyon ng PCL?! Dahil sa ‘manipulasyon,’ nasayang ang oras ng mga konsehal, nasayang ang pera ng gobyerno, pero ang higit na nakatatakot, palilipasin ba ang insidenteng ito nang walang imbestigasyon?!
Tsk tsk tsk…
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap