TAHIMIK…
Tila ‘punebreng papailanlang’ ang ‘katahimikan’ bilang simbolo ng protestang ilulunsad ng mga empleyado ng Manila International Airport Authority (MIAA) tuwing lunch breaks laban sa planong privatization ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Iniisip ko pa lang ay kinikilabutan na ko sa anyo ng protestang ito. Tahimik na parang magluluksa? Paano kaya ito gagawin ng mga empleyado?!
Walang tigil ang kaba ng mga empleyado lalo na kapag naririnig nila ang mga interesadong kompanya ng mga tycoon at oligarkiya na sunggaban ang privatization ng NAIA gaya ng Ayala Corp., Aboitiz Equity Ventures, Alliance Global Group Inc., ng tycoon na si Andrew Tan, Asia Emerging Dragon ng Lucio Tan group, Filinvest Development Corp. ng Gotianun family, JG Summit Holdings Inc. ng Gokongweis, at Metro Pacific Investments Corp.
Magiging technical partner umano ng nasabing plano ang Changi Airports International ng Singapore.
Ayon kay Samahan ng mga Manggagawa sa Paliparan ng Pilipinas (SMPP) President Roy Quismoro, tinatayang 1,500 regular workers ng airport ang maaapektohan ng nasabing privatization, kapag natuloy ito.
Madalas umanong pinalulutang ng ilang pro-privatization groups ang balitang nalulugi ang NAIA. Pero labis nilang ipinagtataka ang bali-balitang pagkalugi dahil sa totoo lang, ang NAIA ay laging kabilang sa Top 10 government owned and controlled corporations (GOCC) na nakapag-aambag nang malaki sa National Treasury.
Bakit ngayon ay sinasabing nalulugi?! Ano at sino ang nasa likod ng mga ganitong pagpapakalat ng ‘fake news?’
Ayon kay Mr. Quismoro, masakit para sa kanila kung sila ay pababayaan ni MIAA General Manager Ed Monreal sa matunog na isyu ng privatization.
Walang anomang tugon hinggil sa privatization si GM Monreal, maliban sa pahayag na, “karapatan ng mga empleyado na magprotesta basta titiyakin lang nila na hindi maapektohan o mapeprehuwisyo ang operations ng NAIA.”
‘Nakawiwindang’ ang mga pagbabagong inihahatid ng buil, build, build.
Akala natin noong una, lilikha ito ng maraming trabaho sa mga Filipino pero lumalabas pala, maraming mga kababayan natin ang mawawalan ng trabaho.
Ano ba talaga ang nangyayari?!
Paano ba ito ipapaliwanag ng Duterte administration?!
Si Pangulong Digong ba’y para talaga sa mga kababayan nating mahihirap? O sa interes ng mga tycoon at oligarch na sumuporta sa kanya?!
Tsk tsk tsk…
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap