SWAK sa kulungan ang dalawang snatcher na nambiktima sa isang Lalamove driver matapos masakote at makuhaan ng shabu sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa kasong robbery snatching at paglabag sa RA 9165 ang naarestong mga suspek na sina Rafael Damian, 21 anyos, residente sa Brgy. 150, at Richard Martinez, 31 anyos, ng Milagrosa Ext., Brgy. 154, kapwa residente sa lungsod.
Sa nakarating na ulat sa bagong hepe ng Caloocan Police na si P/Col. Dario Menor, dakong 11:40 pm, minamaneho ng Lalamove driver na si Elizalde Manansala, 47 anyos, ng Brgy. 154, ang kanyang motorsiklo habang tinatahak ang kahabaan ng North Diversion Road (NDR), nang pansamantalang huminto upang tingnan ang kanyang cellphone.
Bigla umanong sumulpot mula sa likuran ang mga suspek at hinablot ang kanyang cellphone saka mabilis na tumakas habang humingi ng tulong ang biktima sa mga opisyal ng barangay.
Dahil sa mabilis na pagresponde ni Brgy. 154 Ex-O Eliver Apilado at kagawad Rowah Latagan, agad naaresto ang mga suspek.
Narekober sa kanila ang isang cellphone at nakuhaan ng dalawang plastic sachets na naglalaman ng 3.04 gramo ng shabu na nasa P20,672 standard drug value ang halaga.
(ROMMEL SALES)