BINAWIAN ng buhay ang tatlong menor de edad, kapwa mga estudyante, sa dalawang magkahiwalay na insidente sa kalsada noong Linggo, 23 Pebrero, at Lunes, 24 Pebrero, sa dalawang bayan ng lalawigan ng Isabela.
Dakong 3:15 pm noong Lunes, sa bayan ng Roxas, namatay ang dalawang 16-anyos na magkaangkas sa motorsiklo na kinilalang sina Hanz Charlie Viado at Jhonrence Esquivel, parehong Grade 10 students, nang mabangga ng isang dump truck na minamaneho ni Danilo Anog, residente sa Bgy. Sinamar.
Nabatid na nag-overtake sina Viado at Esquivel sa isa pang sasakyan at patuloy na umandar sa kabilang linya na naging sanhi ng pagkakabangga nila sa truck.
Agad namatay ang dalawang binatilyo dahil wala silang suot na helmet.
Sinampahan ng kasong double homicide si Anog dahil hindi niya naiiwas ang minamanehong truck sa pagbangga ng motorsiklo.
Samantala, noong Linggo ng tanghali, 23 Pebrero, sa bayan ng San Mariano, nahagip ng isang six-by-six truck na minamaneho ni Gilbert Tolentino, ang isang motorsiklong sakay ang 15-anyos na estudyanteng si Jaymark Flores.
Agad namatay si Flores nang tumama ang kaniyang ulo sa konkretong kalsada, habang nasa kritikal na kondisyon sa San Mariano Community Hospital ang kaniyang angkas na kinilalang si Gerald Taguimacon.
Kinasuhan si Tolentino ng reckless imprudence resulting in homicide and serious physical injuries.