MAY pag-aalinlangan si Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Gregorio Honasan sa kakayahan ng third telco — ang DITO Telecommunity Corp., na makompleto ang rollout program nito bago sumapit ang Hulyo 2020.
Ang commercial operations ng DITO, dating Mislatel Consortium, ay pinangangambahang maantala dahil sa komplikadong proseso ng pagkuha ng permit para sa pagtatayo ng cell tower.
Ayon kay Honasan, nag-aalala ang DICT sa kakayahan ng Dito na matupad ang pangako nito dahil limang buwan na lamang ay Hulyo na.
Ilang mambabatas ang nagpahayag na rin ng pagdududa sa kapasidad ng Dito na tuparin ang pangako nitong pagkakaroon ng 2,500 cell sites pagsapit ng Hulyo 2020.
Hiniling ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro, miyembro ng Makabayan bloc, sa Kongreso na ipatawag ang mga opisyal ng DICT at Dito para imbestigahan.
“Kailangang mag-report ‘yung Dito telco sa Congress kung saan na ba (‘yung cellsite niya)? Pero I don’t think so na magagawa na nila ‘yung 2,500 cell sites. Ito dapat ang maimbestigahan ng Congress. Iyong talagang seryoso ba ito, may kakayahan ba ito?” anang party-list lawmaker.
Ngunit agad pinawi ng third telco player ang pangamba na maaantala ang kanilang network rollout, at tiniyak sa publiko na may kakayahan silang tuparin ang kanilang mga pangako bilang bagong major telecommunications player.
“There is no truth to reports that the much anticipated roll-out of Dito Telecommunity will be delayed due to issues regarding permits,” pahayag ng Chelsea Logistics and Infrastructure Holdings Corp., isa sa mga kompanyang bahagi ng Dito.
Tinanggap ng Dito, isang consortium na binubuo ng state-owned China Telecom at ng Udenna Corp., at Chelsea ni Dennis Uy, ang certificate of public convenience and necessity nito mula sa National Telecommunications Commission (NTC) noong Hulyo 2019 para mag-operate bilang third major telco ng bansa.
Ang 2,500 cell sites ay magbibigay-serbisyo sa 37 percent ng populasyon ng bansa at magkakaloob ng internet speed na hindi bababa sa 27 mbps per second.
Matagal nang problema ng industry providers ang hirap sa pagtatayo ng telco infrastructure dahil sa pagkuha ng multiple LGU permits para sa isang cell site lamang, na umaabot ng walong buwan ang proseso.
Ang komplikadong permit applications ay maaaring maging sanhi ng lalo pang pagkaantala ng konstruksiyon ng 2,500 cell sites ng Dito.
HATAW News Team