HUMARAP sa sala ni Judge Judge Thelma Bunyi ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 32 ang dating lider ng Communist Party of the Philippine – New People’s Army (CPP-NPA) matapos maaresto sa Pampanga.
Si Rodolfo Salas, 72, kilala bilang Kumander Bilog ay naaresto sa kanyang bahay sa Balibago, Angeles City, Pampanga at humarap sa korte upang harapin ang kanyang kaso na may kaugnayan sa Inopacan, Leyte massacre.
Inilinaw ng anak ni Bilog na si Jody Salas, hindi nagtatago ang kanyang ama katunayan ay matagal na siyang nakatira sa Pampanga at nagtayo ng kooperatiba.
Kasama ng PNP ang barangay officials nang isilbi ang warrant of arrest at naging payapa ang pagsama ni Salas sa mga operatiba.
Nabatid, inilipat sa Maynila ang kaso ni Salas upang mapadali ang pagdinig kung saan nagtakda ng arraignment ang korte.
Ayon sa korte, sa 28 Pebrero 2020 ang itinakdang arraignment laban kay Kumander Bilog.
(VV)