NADAKIP ang siyam na mangingisda dahil sa paggamit ng ‘homemade explosives’ habang namamalakaya sa dagat ng bayan ng Pio Duran, sa lalawigan ng Albay noong Miyerkoles ng umaga, 19 Pebrero.
Ayon kay P/Capt. Dexter Panganiban, tagapagsalita ng Albay police, inaresto ang mga suspek na kinilalang sina Gilbert Guerra, Jomar Dela Rosa, Robert Labrusto, Jonel Labrusto, Andy Paul Labrusto, Anthony Cañete, Ivan Barill, Angel Gidoc, at Edgar Balanbang, pawang residente sa lalawigan ng Sorsogon.
Nakompiska din ng mga operatiba ng Task Force Bantay Dagat (anti-illegal fishing) ang 14 banyera ng “lopoy” (Sardinilla) na ilegal nilang nakuha at nagkakahalaga ng halos P14,500.
Naharang ng task force ang maliit na bangkang pangisda at mga kontrabando nang dumaong sa pier dakong 7:45 am.
Kasalukuyang naka-impound ang bangka habang haharap sa kasong illegal fishing with the use of explosives ang mga mangingisda.