NAHARANG ng Cebu Task Force on African Swine Fever (ASF) ang ibinibiyaheng 23 buhay na baboy sa bayan ng Argao, sa lalawigan ng Cebu kahapon ng hapon, 20 Pebrero.
Ayon kay Dr. Rose Vincoy, lahat ng baboy na sakay ng isang truck ay nagmula sa bayan ng Sibulan, sa lalawigan ng Negros Oriental.
Walo sa 23 baboy ay walang Veterinary Health Certificate and Veterinary Shipping Permits.
Dagdag ni Vincoy, kung kontaminado ang walong baboy, maaaring may impeksiyon din ang 15 iba pa.
Dumating ang mga baboy sa Bato Port sa bayan ng Samboan, sa lalawigan ng Cebu, hapon ng 19 Pebrero.
Nang nasa kalagitnaan ng pagbibilang ang mga inspektor, bigla umanong pinatakbo ng driver ang truck ngunit naharang sa bayan ng Argao.
Pinag-aaralan ng Cebu Task Force on African Swine Fever ang posibilidad ng pagsasampa ng kaso laban sa shipper.
Hindi inaresto ang driver ng truck at nakabalik sa lalawigan ng Negros Oriental, ngunit ipatatawag upang harapin ang kasong maaaring isampa laban sa kaniya.
Itinatag ni Cebu Governor Gwen Garcia ang African Swine Flu Task Force noong isang taon upang mapigilan ang pagpasok ng mga kontaminadong baboy sa bansa.
Pinakahuling pinagbawalan ang pagbibiyahe ng mga buhay na baboy mula sa Mindanao.
5 toneladang karne, ‘processed food’ nasamsam sa Camarines Norte
KINOMPISKA ng mga awtoridad ang aabot sa limang toneladang hindi dokumentadong karne at ‘processed foods’ sa isang operasyon mula Miyerkoles ng gabi hanggang Huwebes ng umaga sa bayan ng Sta. Elena, sa lalawigan ng Camarines Norte.
Ayon kay P/Maj. Elezaldy Calingacion, hepe ng Sta. Elena police, sinisiyasat sa isang checkpoint ang mga pampasaherong bus at trucking service vehicles sa quarantine area ng agriculture office sa Barangay Tabugon, bilang kampanya kontra African Swine Fever.
Agad ibinaon sa ligtas na lugar ang mga kompiskadong kontrabando na pinaniniwalaang galing sa Metro Manila.