MAAYOS at libreng matutuluyan ang ibibigay ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa health workers ng anim na district hospital sa Maynila kabilang ang mga kawani ng Manila Health Department na malayo ang inuuwian at hirap sa araw-araw na pagbiyahe.
Inihayag ito ni Moreno sa ginanap na kauna-unahang Consultative Meeting kasama ang Medical Health Sector na dinalohan nina Vice Mayor Honey Lacuna at MHD chief Dr. Arnold “Poks” Pangan.
“The city government will start in a few weeks the vertical housing program. We want to uplift the standards of our employees,” anang alkalde.
Ang plano ay naglalayon na maiangat ang kalagayan at estado ng mga kawani ng MHD upang makapagtrabaho nang mabuti para sa kapakanan ng mamamayan.
“We will build a housing project for the health workers. This is a two-bedroom design as long as you remain in the service but the day the employee retires, he has to vacate the housing and pass this on to others still in the service,” ayon kay Mayor Isko.
Base sa alkalde, kabilang ang pagkakaloob ng matitirahan ng healthcare employees na mapapabilang sa vertical housing sa planong pagtatayo ng super health centers.
Plano ni Mayor Isko na paluwagin ang mga ospital kaya kabilang sa plano ang maipasa ang binabalak na Super Health Centers, ang PhilHealth requirement kabilang ang advanced equipment at laboratories para sa diagnostics.
Nabatid na apat na lugar ang napili para sa super health centers, kabilang ang isang lugar sa Pedro Gil St., Fabella, Aurora Health Center sa District I, at ang Public Health Laboratory.
Sa plano, ilalagay ang health center sa ground floor, sa second at third floor ang parking habang sa 4th floor vertical housing.
(BRIAN BILASANO)