TIKOM ang bibig ng Palasyo sa ulat na humihingi ng state guarantee ang negosyanteng kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang bilyon-bilyong pisong uutangin sa mga banko para higit na palawakin ang mga negosyo.
“Hindi ko yata… ngayon ko lang narinig iyan… I don’t know about that. Kausap ko lang siya the other night. At sabi ko sa kanya, o you are in the interviews na naman. Marami ka daw utang sa gobyerno,” ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo kaugnay sa pag-uusap nila ni Dennis Uy, ang sinasabing ‘crony’ ni Pangulong Duterte.
Sinabi ni Panelo na ayon kay Uy, ang mga report hinggil sa kanyang “shopping spree” sa ibang malalaking kompanya mula 2017 hanggang 2019 gamit ang bilyones na inutang sa mga banko ay resulta ng ‘inggit’ sa kanya ng ibang tao.
“Sinisiraan lang ako ng mga naiinggit,” sabi ni Uy kay Panelo.
Naniniwala si Panelo na kaya pinauutang si Uy ng mga banko ay dahil tiwala sa kakayahan ng presidential crony na magbayad.
“E totoo naman nangungutang siya. Mayroon akong nabasa na several banks nangungutang siya. Lahat naman iyan utang. In other word babayaran din niya. Iyon ‘yung mga ginamit niya para mamili ng… mga companies na pina-o-operate niya noon. Apparently, the banks trust him. Otherwise hindi magpapautang ang mga iyan,” ani Panelo.
Kamakalawa, nagbanta ang Makabayan bloc na kakasuhan ang Philippine Guarantee Corporation (PhilGuarantee) kapag ipinagkaloob ang sovereign gurantee na hirit ni Uy para sa mga utang niya sa iba’t ibang banko.
Sa oras na pagbigyan ng gobyerno ang aplikasyon ni Uy ay magkakaroon ng mandato ang PhilGuarantee na bayaran ang 90% ng loan amount kung magkaroon ng default o hindi makabayad si Uy.
Hinamon din ng Makabayan bloc ang PhilGuarantee na ilabas ang listahan ng mga negosyong binigyan ng guarantee sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
(R. NOVENARIO)