KUNG wala kang kabalentayms ngayong araw ng mga puso, please lang, huwag na huwag mong maiisipan na mag-relax o magparaos ng lungkot sa Utopia spa riyan sa Timog Ave., malapit sa isang estasyon ng telebisyon.
Ayon sa ating ‘tipster,’ na sumangguni pa sa ‘online,’ ‘yang Utopia spa, ‘extra service’ agad ang nakabalandra sa kanilang website.
Kaya naman pumapasok ka pa lang at hindi pa nagtatatrabaho ang massage therapist, aalukin ka na ng ‘extra service.’
Arayku!
Malamang ganyan ang tirada nila sa lahat ng customers.
Oopss, hindi lang ‘yan.
Ang sabi ng tipster natin, napakarumi ng spa na ‘yan at ang banyo daig pa ang smokey mountain sa tindi ng langaw at kulisap, yaakkks!
Kapag nasa kuwarto na, ‘wag kang magugulat kung panay ang habulan ng nagliliparang ipis na akala mo’y nagseselebreyt ng balentayms.
May bonus pang ik-ik-ik ng daga ‘yan sa halagang P2,500 kapag nagkasundo kayong mag-all the way ng massage therapist.
Ganyan po karumi ang Utopia spa, Mayor Joy Belmonte. Malamang walang kelot na nakapagbibigay sa iyo ng ‘tip’ sa rami ng violations ng spa na ‘yan.
Siguro puro ‘wholesome’ ang mga staff mong boys kaya hindi nila alam ang Utopia. Ganyan din kaya ka-wholesome ang Bureau of Permits and Licensing office (BPLO) ninyo?
Ang nakapagtataka, isinara na raw ‘yan, pero muling nakabalik at ngayon ay full operations na naman.
Hindi mo rin kaya alam ang rason, Mayora Joy kung bakit bukas ulit ang Utopia?!
Tsk tsk tsk…
MUSICAL DANCING
FOUNTAIN INILAPIT
NI MAYOR ISKO SA LAHAT
NG MANILEÑO
NITONG Miyekoles ng gabi, pinasinayaan ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Musical Dancing Fountain sa Bonifacio Shrine o sa Kartilya ng Katipunan,
Pinangunahan ito ni Mayor Isko at ni Vice Mayor Honey Lacuna kasama ang ilang opisyal ng Manila City Hall at City Councilors.
Talagang kakaibang kulay ang inihatid nila sa mga Manileño na ang disenyo ay kinuha sa watawat ng Filipinas.
Sinabi ni Yorme, walang inilabas na pondo ang pamahalang lungsod ng Maynila o ni singkong duling walang ginastos ang mga Manileño para sa paggawa ng nasabing dancing fountain na matutunghayan lamang sa Okada.
Ito umano ay sa tulong ng ilang pribadong kompanya na nagbigay ng malaking suporta upang maisakatuparan ang pagbuhay at pagpapaganda sa Kartilya ng Katipunan.
At natutuwa si Yorme dahil umabot ito sa kanyang deadline bilang pagsalubong Araw ng mga Puso o Valentine’s Day.
Bukod sa Musical Dancing Fountain, inanyayahan din ng alkalde ang publiko na mamasyal sa Fort Santiago sa Intramuros gayondin sa Metropolitan Theatre na malapit na rin buksan sa publiko sa Mayo 2020.
Para sa publiko, ang Musical Dancing Fountain, ay magsisimula 6:30 pm hanggang 11:30 pm, araw-araw. Ang palabas ay magtatagal nang 15 minutos kada oras.
Tara na!
LOVE IN THE TIME
OF CORONAVIRUS
HAPPY Valentine’s Day po sa inyong lahat mga suki.
Ngayong panahon ng 2019 novel coronavirus (COVID-19) — isa lang po ang bilin natin, mag-ingat, mag-ingat, at mag-ingat pa.
Magdiwang, kasama ang inyong mahal sa buhay at ang inyong pamilya.
Huwag humanap nang iba pa, ikaw rin baka madale ka.
He he he…
Muli, maligayang araw ng mga puso sa inyong lahat, mga suki!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap