PATAY agad ang isang babaeng pedestrian habang anim ang isinugod sa dalawang pagamutan nang mapitpit at masoro ng isang Montero SUV na umuugong ang makina at mabilis na umatras sa kinaroroonan ng mga biktima sa Quiapo, Maynila.
Patingkayad at tila nabali ang likod ng babaeng biktima nang mapitpit ang katawan ng Mitsubishi Montero, may plakang RKM-602 nang tila magwala ang sasakyan at umaangil ang makinang umatras sa isang tindahan.
Mabilis na naisugod ng first responder mula sa Manila Police District – Sta. Cruz Station (PS-3) ang anim pang nasugatan sa Jose Reyes Memoril Medical Center (JRMMC) at Metropolitan Hospital.
Ayon sa hepe ng MPD PS3 na si P/Lt. Col Reynaldo Magdaluyo, naganap ang insidente dakong 2:15 pm sa Raon St., malapit sa panulukan ng Evangelista St., sa Quiapo, Maynila.
Nabatid na galing sa Bataan ang sakay ng nasabing sasakyan at pumunta sa Maynila para bumili ng videoke set sa Raon St., nang maganap ang insidente.
Pauwi na umano ang driver na may kasamang isang lalaki nang pagtapak sa silinyador ay biglang umugong nang napakalalakas at saka matuling na umatras sa lugar kung saan naroon ang babaeng namatay at mga nasugatan.
Dinala sa MPD-PS3 ang driver at ang kanyang mga kasama para sa kaukulang imbestigasyon.
Ang mga biktimang sugatan ay kinabibilangan ng apat na babae, at dalawang lalaki na itiakbo sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) sa Rizal Ave., Sta. Cruz at sa Metropolitan Medical Center sa Masangkay St., Tondo.
Pansamantalang itinago ng pulisya ang pangalan ng mga biktima para sa kapakanan ng kanilang mga kaanak.
Iimbestgahan din kung ang nasabing modelo ng Montero na sangkot sa insidente ay kabilang sa mga yunit na nagkaroon ng isyu sa accelerator pedal.
nina VV/BRIAN BILASANO