NAIS ni Mayor Francisco “Isko” Domagoso na ideklarang undesirable alien o ipatapon sa labas ng bansa ang Chinese national na nanagasa at nandura sa pulis nang sitahin dahil sa paglabag sa number coding.
Sa kanyang capital report, inatasan ng alkalde ang MPD Special Mayors Reaction Team (SMaRT) na makipag-ugnayan sa Bureau of Immigration (BI) para sa tamang proseso patawan ng parusa ang dayuhan na si Zhou Zhi Yi, 50 anyos.
Bukod sa pagiging undesirable alien, nais din ng alkalde na malagay sa “blacklist” o sa Interpol ang suspek upang sa gayon, hindi na makagawa pa ng anumang ilegal dito sa bansa.
Giit ni Isko, ang ganitong klase ng dayuhan, hindi dapat nanatili sa Maynila o sa bansa dahil panganib sa mamamayan.
Lalou aniya’t maaring makapagpiyansa dahil bailable ang kanyang kinakaharap na kaso kaya mabuting pabalikin na lamang sa China.
Matatandaan na sinita si Zhou Zhi Yi ng mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa Binondo dahil sa number coding nang biglang paharurutin ang kanyang SUV at nakipaghabulan pa hanggang sa kanto ng Tayuman St., at Abad Santos Avenue.
Ilang sasakyan din ang kanyang binangga at nang masukol, nandura ng pulis at may nakuha rin shabu sa loob ng kanyang sasakyan.