DALAWANG dayuhan ang namatay sa karagatan ng Filipinas ang isinasailalim ngayon sa imbestogasyn kaugnay ng 2019 novel coronavirus (nCoV).
Ang isang bangkay ay natagpuang walang buhay at palutang-lutang sa tubig, isang Chinese national na may sukbit pang backpack sa tapat ng MJ Cafe sa Manila Bay sidewalk, Malate, Maynila kahapon ng umaga.
Base sa ulat ng Manila Police District (MDP) Homicide Section, namataan ang bangkay ng isang lalaki dakong 8:20 am kahapon sa nasabing lugar.
Kinilala ang bangkay ng lalaki sa pamamagitan ng kanyang pasaporte na si Suet Ming Ellis Chan, 55 anyos, tubong Hong Kong, Republic of China.
Agad kinuha ang bangkay at dinala sa Cruz Funeral ngunit nagpahayag ng pangamba ang mga empleyado ng punerarya na baka may novel corona virus ang natagpuang bangkay ng Chinese national.
Samantala, naunang nirespondehan ng MPD Homicide Section sa tawag ng PNP Maritime Group sa pagkamatay ng isa pang dayuhan na kinilalang si Florin Dan Klein, 59 anyos, Romanian national, kapitan ng M/V Tabea cargo shipping vessel.
Sa ulat ng MPD, dakong 2:05 am, nang makatanggap ng tawag ang MPD mula sa PNP Maritime Group hinggil sa pagkamatay ng kapitan ng barko habang nakadaong sa Pier 13 sa South Harbor.
Nang dumating ang mga imbestigador ng MPD ay nakitang nakasilid na sa bodybag ang bangkay kaya’t dinala sa Cruz Funeral.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng MPD ang pagkamatay ng dalawang dayuhan at makikipag-ugnayan sa mga nagsasagwa ng pagsusuri sa nCoV para sa malalimang pagsusuri sa bangkay ng dalawa.
(BRIAN BILASANO)