NABERIPIKA ng Center for Cosmetics Regulation and Research ng Food and Drug Administration (FDA), alinsunod sa ginawang monitoring at sample purchase ng pabango na hindi rehistrado ang pabangong Ian Darcy Eau de Parfum.
Sa ilalim ng batas, kinakailangang mag notify o magrehistro sa FDA ang lahat ng produktong cosmetics, kabilang ang mga pabangong ibebenta sa publiko.
Ito ay upang masigurado ng FDA ang quality ng produkto at upang matiyak na ligtas itong gamitin ng konsyumer.
Nadiskubre rin ng FDA na bukod sa hindi rehistradong pabangong ibinebenta ng Ian Darcy, ang kompanyang Ian Darcy mismo ay walang license to operate bilang manufacturer o distributor ng pabango.
Mag-iisyu ng kinaukulang advisory at mapasasailalim sa karampatang aksiyon ang mga pag labag na ito ng pabangong Ian Darcy.
Sa kasalukuyan, may 62 tindahan ang Ian Darcy at lahat ito ay napagalaman ng ahensiya na walang kaukulang rehistro.
Nagbabala sa publiko na mag ingat sa pagbili ng cosmetic o pabangong hindi rehistrado sa FDA, dahil hindi garantisado ng gobyerno ang kaligtasan at kalidad ng mga nasabing produkto.