KUMUSTA?
Sa wakas, Pebrero na!
Nakaraos na rin tayo sa pinakamahaba na yatang Enero sa kasaysayan!
Daig pa tayong nalunod sa baha ng mga balita.
Masama na, mali pa.
Ngayon, wika nga, panahon na naman ng pag-ibig.
Sa kabilang banda, ngayon din ang Pambansang Buwan ng Sining.
Kamakailan, binuksan ito nang formal sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) na ang bagong Arts Ambassador ay ang kaibig-ibig na si Miss Universe 2018 Catriona Gray, si Asia’s Pop Diva Julie Anne San Jose, at si Asia’s Soul Supreme KZ Tandingan na siya ring kumanta ng bagong rendisyon ng Ani ng Sining.
Punong-puno nga ng puso!
Sa Peb.14 mismo, balikan ang viral!
Maraming babalik tulad ng Abbamania sa The Tent ng Solaire o ni J.R. Richards ng Dishwalla sa Metrotent, Metrowalk, Pasig. Babalik din sa entablado si Hajji Alejandro sa tulong nina Dessa, at ng Philippine Madrigal Singers sa Powerhouse Valentine sa Novotel Manila sa Araneta Center. Nagbalikbayan naman si Rachelle Ann Go para sa kaniyang The Homecoming sa Marriot Grand Ballroom.
At, sa wakas, magkakabalikan na rin sina Martin Nievera at Pops Fernandez kahit man lang para sa Two-gether Again sa The Theater ng Solaire sa Peb.14-21.
Subalit, paano ka makikipag-date kung wala kang dating?
O datung?
Paano kung siya o ikaw mismo ay maysakit?
May kiss pa ba ngayong may krisis?
Makipaghalikan ka kaya nang naka-maskara.
Hindi biro ang virus.
Kaya, noong 31 Enero pa lang, kinansela na ni Mayor Benjamin Magalong ng Baguio hindi lamang ang gaganaping Cordillera Regional Athletic Association (CARAA) kundi ang taunang paradang hudyat ng pagbubukas ng isang buwang Panagbenga Festival.
Pag-uusapan pa nila kung itutuloy pa rin ang Grand Street Parade at Grand Float Parade sa 29 Pebrero at Marso 1.
Nagpasiya silang pigilan ang pagdagsa ng mga turista noong kumalat na raw ang novel coronavirus (nCoV) galing Tsina.
Nakapatay raw nang humigit-kumulang 200 tao at nakahawa na sa halos 10,000 sa buong mundo.
Pinagbawalan na ring pumasok ang mga eroplano mulang Hubei makaraang mapabalitang isang babaeng Chinese ang positibo sa virus.
Hayun, di-naglaon, minabuti na rin ng Cultural Center of the Philippines (CCP), kanselahin ang ika-16 na Pasinaya sa Peb.18 at 19.
Akmang-akma pa naman ang paksa ngayong taong ito: “Art for Earth’s Sake.”
Subalit, ayon kay Chris Millado, ang bise presidente at direktor ng sining ng CCP – na siya ring Festival Director ng Pasinaya sa nakaraang 15 taon: “As the World Health Organization (WHO) declared the coronavirus as a public health emergency of international concern, we urge the Filipino people not to panic and remain calm.”
Kalma lang, kabayan.
Una, hindi tatagal ang nCoV nang limang minuto sa temperaturang 20 degrees centigrade ng Filipinas.
Ikalawa, nasa bansa tayong 50%-70% ang average relative humidity kaya mababa ang survival rate ng virus.
Ikatlo, mas mahahawa tayo kung nasa loob ng bahay kaya panatilihing malinis at maaliwalas ang kapaligiran sa inyong tahanan.
Ikaapat, kayang patayin ang virus ng araw o Vitamin D.
Ikalima, natural na lunas kontra virus ang bawang at lemon o Vitamin C.
Ikaanim, sanay naman tayong maligo’t maglinis ng katawan.
Ikapito, huwag pumunta sa ospital hangga’t maaari.
Ang pitong puntong ito ay mula sa American Society for Microbiology.
Kumalat ito nang kumalat din ang balitang diumano ang mga Amerikano ang nagkakalat ng takot, ayon sa Foreign Ministry ng Tsina, mula nang unang ilikas ng Estados Unidos ang mga mamamayan nito mula sa Wuhan – ang natuntong episentro ng epidemya – noon pa mang 28 Enero at agad na nagdeklara ng isang “public health emergency.”
Nagkaroon tayo rito ng pansamantalang ban para sa mga turistang galing Tsina, Macao, at Hong Kong.
Hindi naman ito kaso ng sinophobia.
Mas grabe pa ito sa birong anti-Tsino.
Dahil galing daw naman itong Tsina, hindi raw ito tatagal!
Ingat.
Dapat lagi pa rin tayong nakaandap.
Bagamat hindi pa naman ito maituturing na pandemiko.
Huwag tayong sumali sa pandemonium.
Pan-demonyo ‘yon!
Si Sec. Francisco T. Duque ng Departamento ng Kalusugan na ang nagsabing ang pangyayaring pangkalusugang ito ay “fast-evolving” at “fluid.”
Kaya nga, patuloy rin ang rekalibrasyon sa mga plano at pagtugon.
At pagtatanong ng mga tao.
Gaano nga ba kahanda ang ating gobyerno?
Kaya kayang pamahalaan ng ating pamahalaan ang pabago-bagong sitwasyon?
Matapos nating mapaso, o mapasubo, sa usapa’t usapin ng dengue, may nagtitiwala pa ba, halimbawa, sa bakuna?
Mabuti na lamang at nasa antas pa tayo ng pag-iwas.
Paano kung umabot na tayo sa gamutan?
Sana manatili ang ating paniniwala.
At pagtitiwala.
Wala pa ring tatalo sa patotoo.
Wala namang gagawin ang lahat kundi patunayang tama ang kanilang ginagawa.
Pabulaanan nila ang kasinungalingan ng kahapon.
Ituwid nila ang kamaliang nagdaan.
At aminin kung may kasalanan.
Ano nga bang kailangan sa pagsasama nang maluwat?
Walang iba kung pagsasabi nang tapat.
Katotohanan.
Ito rin ang rekisito sa kahit anong relasyon.
Ano’t ano man, iisa pa rin naman ang kahingian.
Kahit sa pagmamahal sa Diyos, sa kalikasan, sa bayan, sa pamilya, o sa kahit kanino.
Kailangan pa rin tupdin ang ating ipinangako.
Tanggaping wala naman talagang perpekto.
Pangarapin pa rin nating pinakamataas na ikabubuti ng ating ugnayan.
At ihanda natin ang sarili sa sakripisyo.
Lagi’t laging ganito.
Sana matuto na tayo.
Ang siste, dahil sa nCoV, nakalimutan na natin ang iba pang isyung pangkalusugan ngayong Pebrero.
‘Di ba dapat din nating ipagdiwang ang Philippine Heart Month, Oral Health Month, National Insurance Month, at Mental Retardation Week?
Ilan kaya ang nakaaalam na National Cancer Awareness Month din? O ang World Cancer Day ay sa Peb. 4 at International Childhood Cancer Day ay sa Peb.15?
Ang National Awareness Week for the Prevention of Sexual Abuse and Exploitation ay sa ikalawang linggo samantalang Leprosy Control Week at National Rare Disease Week sa huling linggo.
Nawa, sa awa ng sarili nating diyosa ng pag-ibig — na si Diyan Masalanta — hindi na tayo masalanta.
Ng anumang sakuna.
KUMUSTA?
ni Vim Nadera