Sunday , December 22 2024

Anong K ni Kobe?

KUMUSTA?

Noong Lunes, 27 Enero, makulimlim ang mundo.

May lambong ang madaling-araw sa madaliang pagpanaw ni Kobe Bean Bryant.

Tapos tinalo pa ang Lakers ng Sixers.

Naalala ko bigla ang National Basketball Association (NBA) Finals noong 2001 kung kailan itinapat sa kaniya si Allen Iverson ang Philadelphia, ang mismong sinilangang estado ni Kobe ng Los Angeles.

Ni hindi man lang nagkampeon si The Answer ngunit iniluklok pa rin siya sa Naismith Basketball Hall of Fame noong 2016.

Si Black Mamba pa kaya?

Siya pa na limang beses kinabig ang Larry O’Brien trophy?

Bakit hindi?

Si Kobe, kung tutuusin, ang tulay sa panahon ni Michael Jordan at ni Lebron James.

Kasing-init ang pustahan kung sino ang GOAT (Greatest Of All Time) ang ulo ng may-Covi o coronavirus!

Kasing-ingay rin ng pagsabog ng Taal ang pagbasag ni Lebron sa rekord ni Kobe bilang pinakamahusay na iskorer, sa likod nina Kareem Abdul-Jabbar at Karl Malone, na parehong Laker na tulad nila.

Subalit, ang siste, may kartadang iba si Kobe.

Na wala ang ibang baraha.

Ang alas niya ay ang pagiging alagad ng sining.

At ang K niya?

Walang iba kundi ang kaniyang pagiging kuwentista.

Sinong mag-aakalang mahusay siyang magsalaysay?

Sinong makahuhulang tatangay pa siya ng isang Academy Award, isang Sports Emmie, at isang Annie Award para sa kaniyang animation?

Napatula kasi siya nang magretiro sa NBA.

Opo, Mahal na Hari, siya rin po ay makata!

Ginawa niyang pelikula ang tulang ito sa tulong ng direksiyon ni Glen Keane at musika ni John Williams.

Kumportable na rito si Kobe.

Kumuha kasi siya ng mga klase sa Creative Writing noong star player pa siya ng Lower Merion High School sa Philadelphia.

Hindi raw siya palabasa.

Mas gusto niyang manood.

Para pag-aralan ang mga tauhan at takbo ng istorya, bumabawi siya sa panonood ng Star Wars, Harry Potter, at mga pelikulang Disney.

Aminado siya na ang mahal niya ay ang pagkukuwento.

Nagsimula muna siya sa 12 empleyado at maraming kontraktor.

Ito na ang Granity Studios, ang kumpanya niyang lumilikha ng platapormang multimedia.

Noong 2015, inumpisahan niyang mag-prodyus ng dokumentaryong Kobe Bryant’s Muse,” ukol sa kaniyang buhay-basketbolista.

Noong 2018 naman isinunod niya ang The Punies, na isinulat ni Jon Haller tungkol sa isang unibersong walang totoo kundi isports.

Isa rin sa patok nilang proyekto ang Detail, isang serye ng ESPN+ na binigyang-pansin ang nagaganap sa likod ng playoff.

Siyempre, ang sumulat, prodyuser, at host ng programang ito ay si Kobe.

Layon nitong magturo ng basketbol.

Maaaring sa paraang ginawa sa kaniya ni Tex Winter, ang imbentor ng Triangle Offense.

O marahil ng tatay niyang si Joe “Jellybean” Bryant na dating naglaro sa Philadelphia Sixers, San Diego Clippers, at Houston Rockets sa NBA.

Ipinangalan siya ng kaniyang mga magulang sa mamahaling beef na natikman nila noon sa Japan.

Nagpa-Europa ang kaniyang ama para maglaro sa Italya noong 1983.

Kasama ang kanilang ina at dalawang kapatid na babae.

Doon, natuto ang bunso at kaisa-isang lalaking si Kobe na mag-Italyano at iba pang wikang Europeo.

Magugunitang nag-trashtalk si Kobe noong 31 Disyembre 2019 kay Luka Doncic ng Dallas Mavericks sa wikang Slovenian at laking tuwa’t gulat ng huli nang makita niya na si Kobe pala iyon at nakaupong katabi ng tagahanga niya — anak ng una na si Gigi.

Parang bisperas ng Bagong Taon din noon si Kobe sa saya.

Kaya di maubos-maisip na pagkaraan ng 27 araw, siya ay mawawala.

Ang masaklap, pati ang kaniyang naturan o naturuang anak.

Sa araw ng kaniyang pagpanaw, ang lahat ng laro ay lumabag sa batas ng NBA.

Bilang pagpupugay, sinadya ng bawat koponan ng sumuway sa shot clock violation para makita sa orasan ang 24 – ang numerong ginamit ni Kobe huling kalahati ng kaniyang paglalaro.

Kinagabihan, inanunsiyo naman ni Mark Cuban na ireretiro niya ang numerong 24 sa kaniyang Dallas Mavericks na kung tutuusin ay wala namang kinalaman kay Kobe na nanatiling Laker habambuhay!

Nanawagan din si Cuban sa ibang koponan para sumunod sa kaniya.

Buong daigdig diumano ang nagpetisyon na palitan na ang logo ng NBA upang gawing siluweta ni Kobe.

Ang siste, si Jerry West – na siyang kasalukuyang logo ng NBA – ang tumayong ama-amahan ni Kobe nang kunin ang nasabing 17-anyos na hay-iskul na ika-13 draft pick ng Charlotte Hornets sa ngalan ng Lakers.

Di-naglaon, si Kobe ay magiging pinaka­batang Slam Dunk Champion noong 1997.

Saksi rin ang taong iyon sa pagkanta niya sa Sway & King Tech at sa pagrekord ng berso sa remix ng Hold Me ni Brian McKnight.

Lumabas din siya sa video na Respect ni Shaquille O’Neal.

Napanood din siya sa All That ng Nickelodeon noong 2000 at Ridiculousness ng MTV noong 2019.

Sa Filipinas, isa sa mga unang nag-tweet ang kaniyang tokayo at tagahangang dunker din na si Kobe Paras: “ur the reason why I wore 24 my freshman year… life is so unfair… rest in paradise, Kobe & Gigi.”

Buong bansa ang nagluksa sa gitna ng sakuna at ibang suliraning personal.

Kabilang ang mga nagdurusa sa EDSAng matrapik at may bilbord na elektronikong may R.I.P. Kobe.

Dagdag ang mga hinipo ni Kobe ang puso nang nandito siya noong 1998, 2007, 2009, 2011, 2013, at 2016.

Lalo ang nasa likod ng Karuhatan Convention Center — o mas kilala bilang House of Kobe — sa Valenzuela.

Binuksan ito, sa kasamaang-palad, isang araw bago siya yumao.

Ani Kobe: “Of all the places that I’ve traveled, this has so much passion and enthusiasm for the game.”

Kaya, ang parteng ito ng planeta ay taos-pusong nakikiramay.

KUMUSTA?
ni Vim Nadera

 

About Vim Nadera

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *