PATULOY ang imbestigasyon ng pulisya sa pagkamatay ng isang 8-anyos batang lalaki na tinamaan ng ligaw na bala sa pamamaril sa San Andres Bukid, Maynila.
Ayon kay P/Cpt. Roel Purisima, hepe ng PCP Dagonoy, nakikipagkuwentohan sa harap ng barangay hall ang si Roberto Cudal, kagawad ng Brgy. 775, Zone 84 nang pagbabarilin ng riding in tandem.
Naganap ang insidente sa Onyx St., sa Sta. Ana, Maynila, 4:00 pm nitong Lunes.
Sa kuha ng CCTV, makikitang isang lalaki ang nakaupo sa labas ng barangay hall nang dumaan ang dalawang motorsiklo.
Bumaba ang mga backride at biglang pinagbabaril ang lalaking nakaupo sa labas ng barangay.
Sinubukan ng lalaking tumakbo pero tuluyan siyang bumagsak.
Sa isa pang kuha, makikitang kahit nakadapa na, pinagbabaril pa rin ang target hanggang tuluyang tumakas ang mga suspek.
Dinala sa ospital si Cudal at ang katabi niyang si Romeo Nicolas na tinamaan din ng bala.
Habang ang batang lalaki ay natuklasang tinamaan ng ligaw na bala sa dibdib, na naisugod din sa ospital ngunit namatay kinalaunan.
Nabatd na bumili ng inihaw ang bata sa tapat ng barangay hall nang magkaroon ng barilan hanggang tamaan siya ng bala.
Sa pahayag ng mga testigo, dawit umano sa transaksiyon ng ilegal na droga ang kagawad at ang kanyang mga anak.
Nakuha ang 10 basyo ng bala sa crime scene at kasalukuyang iniimbestigahan ng mga pulis ang pamamaril at motibo sa krimen.
HATAW News Team