PINAYOHAN kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang publiko na hangga’t maaari ay huwag maniwala sa mga kumakalat sa social media na nagsasabing magsasara na ang Embahada ng Filipinas sa bansang Kuwait dahil ibinaba na ang bandila ng Filipinas sa labas nito.
Ipinaliwanag ng Embahada ng Filipinas sa Kuwait, tulad ng ginagawang flag-raising ceremony tuwing Linggo ng umaga, may isinasagawa rin flag-lowering ceremony ang Embahada tuwing Huwebes ng hapon at ito ay tuloy pa rin.
Ginagawa rin ang flag-lowering ceremony ng lahat ng Embahada at Konsulado ng Filipinas sa buong mundo at hindi nangangahulugang magsasara na ang Embahada.
Ayon sa DFA, tuloy pa rin ang serbisyo ng Embahada ng Filipinas sa mahigit 230,000 Pilipino sa Kuwait.
Payo ng ahensiya sa publiko, huwag basta maniwala sa mga balitang lumalabas sa social media upang maiwasan ang mga haka-hakang balita tulad nitong lumabas na isyu.