NASAKOTE ang tatlong tulak ng ilegal na droga makaraang masamsam ang mahigit sa P1.8 milyong halaga ng shabu sa isang buy bust operation sa Navotas City, kahapon ng umaga.
Kinilala ni Navotas Police chief P/Col. Rolando Balasabas ang mga naarestong suspek na si Marvin Perales, 25 anyos, ng Brgy. Daang Hari; Marvin Turla, 30 anyos, ng Brgy. San Jose, at Cresencio Arroyo, Jr., 33 anyos, residente sa PNR Cmpd. Brgy. 73, Caloocan City, pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Dangerous Drug Act of 2002.
Sa ulat ni Col. Balasabas kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ronaldo Ylagan, dakong 8:35 am nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Charlie Bontigao ng buy bust operation laban sa mga suspek sa kahabaan ng Los Martires St., Brgy. San Jose sa koordinasyon sa PDEA.
Kaagad sinunggaban nina P/Cpl. McEdson Macaballug at Pat. Glenn Ocampo ang mga suspek matapos tanggapin ang P1000 marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na poseur buyer kapalit ng isang sachet ng shabu.
Nang kapkapan, nakuha sa mga suspek ang apat na medium transparent plastic sachets at tatlong transparent plastic ice bag na naglalaman ng halos 270 gramo ng shabu na nasa P1,836,000 ang halaga, buy bust money, P1,600 cash at isang green na eco bag.
Kaugnay nito, pinuri ni Gen. Ylagan ang operating unit ng Navotas Police SDEU sa ilalim ng pangangasiwa ni Col. Balasabas dahil sa matagumpay na pagkakaaresto sa mga suspek.
(ROMMEL SALES)