KINUWESTIYON ng isang militanteng party-list lawmaker ang kakayahan ng third telco na Dito Telecommunity Corporation na matupad ang nakasaad sa iginawad na permit to operate sa naturang kompanya, kabilang ang pagkakaroon ng 2,500 cell sites pagsapit ng buwan ng Hulyo ng taong kasalukuyan.
Ayon kay ACT Teachers party-list Rep. France Castro, kasapi ng Makabayan bloc, maghahain siya ng resolusyon para hilingin na ipatawag sa Kamara upang pagpaliwanagin ang mga opisyal ng DICT at Dito Telecommunity.
“Kailangang mag-report ‘yung Dito telco sa Congress kung saan na ba (‘yung cellsite niya)? Pero I don’t think so na magagawa na nila ‘yung 2,500 cellsites. Ito dapat ang maimbestigahan ng Congress. Iyong talagang seryoso ba, may kakayahan ba?” sabi ng lady party-list lawmaker.
Ayon kay Castro, base sa mga impormasyong kanyang nakalap, bigo ang naturang third telco na gampanan ang ipinangalandakan nitong isang taon matapos mabigyan ng permiso na makapag-operate ay mayroon nang 2,500 cell sites, maseserbisyohan ang 37 percent ng populasyon ng bansa at makapagbibigay ng hindi bababa sa 27 mbps internet speed.
“So, kung ganito ang sitwasyon ngayon, paano pa natin mapagkakatiwalaan iyan na magbibigay ng sinasabing mas mabilis, efficient and reliable na serbisyo sa ating mamamayan?” dagdag ng lady solon.
Ani Castro, naniniwala siyang nabigyan naman ng sapat na panahon ang Dito Telecommunity kaya hindi katanggap-tanggap na tatalikuran niya at hindi tutuparin ang nilalaman ng kontratang ibinigay sa kanila ng gobyerno.
Kaugnay nito, kinalampag ni House Committee on Information and Communications Technology Chairman at Tarlac 2nd Dist. Rep. Victor Yap ang DICT at ang National Telecommunications Commission (NTC) na gawin ang kanilang trabaho, partikular ang tiyaking sinusunod ng third telco ang bawat nilalaman ng kontrata na ibinigay ng gobyerno.
Giit ng Tarlac province lawmaker, sa bawat araw na pagkaantala sa inaasahang pagsisimula ng operasyon ng Dito Telecommunity, ang tunay na apektado rito ay taong bayan na umaasam ng mababang bayad at mabilis na mobile network connections.
“We want this to happen because apparently, what we expect is a tough competition to lower the rates. Every delay of that, ang natatalo riyan is everyone or the general public. Mayroon namang napag-agree na timeline, iyon ang sinabi na rules ng NTC, at pumayag naman ‘yung bidder. So they, as much as possible they must comply with that, on their own they are responsible,” pagbibigay-diin ni Yap.
Ang Dito Telecom na dating Mindanao Islamic Telephone Company, Inc. (Mislatel) ay isang consortium company na kinabibilangan ng Udenna Corporation (35% shares), Chelsea Logistics and Infrastructure Holdings Corp., (25%) na kapwa pagmamay-ari ng Davao-based businessman na si Dennis Uy at China Telecommunications Corporation (40%).
HATAW News Team