NAGLABAS ng impormasyon ang Manila Public Information Office (Manila-PIO) kaugnay sa kumakalat na balita kaugnay sa Chinese national na naospital sa Metropolitan Hospital na umano’y may N19 coronavirus.
Ayon sa Manila PIO, base sa isinagawang surveillance at imbestigasyon ng Manila Health Department (MHD) team at DOH surveillance kinilala ang Chinese na isang lalaki, 27 anyos, at dumating sa Filipinas bilang POGO worker noong 8 Enero 2020 mula Obei, China at sinabing nakatira sa boundary ng Pasay at Parañaque.
Base sa imbestigasyon, negatibo o hindi naglakbay sa Wuhan, China ang pasyente at walang history na nalantad siya sa mga nagtataglay ng naturang virus.
Sa diagnosis, lumalabas na nagkaroon ng community acquired pneumonia (low risk).
Patuloy ang isinagawang information dissemination ng MHD sa mga pampublikong paaralan at mga barangay kaugnay ng pag-iingat upang hindi kumalat ang coronavirus.
Sa ngayon, nasa maayos na umanong kalagayan ang pasyente at wala nang lagnat.
Nanawagan si Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga barangay na maging alerto at mapagmatyag hinggil sa naturang virus.
Umapela ang alkalde sa publiko lalo sa mga Manilenyo na makinig at maniwala sa mga balitang may kredebilidad upang hindi magdulot ng pangamba at alinlangan sa coronavirus.
Samantala, inilinaw kahapon ni Muntinlupa City Health Officer Dra. Teresa Tuliao, kasunod ng kumakalat sa social media na may isang pasyenteng inoobserbahan na hinihinalang may 2019 nCoV sa nasabing lungsod.
Ayon kay Dra. Tuliao, sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na ospital, walang napatutunayang kaso ng n-CoV sa lungsod hanggang kahapon, araw ng Lunes.
Nakipag-ugnayan rin sila sa Public Health officials mula sa DOH at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) kaugnay nito.
Umapela ang City Health Office sa publiko na huwag magpakalat o magpapaniwala sa mga maling impormasyon, sa halip ay manatiling naka-monitor sa mga update mula sa mga kinauukulan.
Samantala, inabisohan na rin ang mga ospital at medical centers sa lungsod na ipatupad ang high standard ng infection prevention and control sakaling may pasyenteng paghihinalaang may n-CoV.
“Lahat po ng pagamutan sa lungsod ng Muntinlupa ay nakatutok po kami ngayon,” ani Dra. Tuliao.
Maaari rin makipag-ugnayan sa Ospital ng Muntinlupa o tumawag sa numerong 8771-0457 o kaya sa tanggapan ng DOH na may numerong 771 -1001/ 711-1002 kung may impormasyon kaugnay sa nasabing virus.
(HATAW News Team/JG)