Saturday , November 16 2024

Yorme napaiyak: Resbak sa HR lawyer “Mema lang kayo!”

HINDI napigilan ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso  ang maluha nang resbakan ang isang human rights lawyer na tumawag sa kanyang ‘epal.’

Inakusahan ni Atty. Fahima Tajar, isang human rights lawyer, ang alkalde ng paglabag sa ilang batas kaugnay ng pagkakaroon ng billboards sa EDSA para sa mga tinanggap niyang product endorsements.

Partikular na binanggit ni Atty. Tajar ang sinabi ni Mayor Isko na for “a good cause” ang pagtanggap niya ng product endorsements, dahil idino-donate niya ang kanyang talent fee sa mahihirap, pero ipina­aaresto ang mga vendor sa Maynila na gusto lang kumita para mabuhay ang kanilang pamilya.

Narito ang post ni Atty. Tajar sa kanyang Facebook laban kay Yorme: “So let my recent post be an exercise of your class bias. Kapag ‘yung pa-cute na mayor ang lumabag sa batas, okay lang kasi napupunta naman for a ‘good cause’ through donations ang talent fee n’ya sa endorsements ng produk­to.

“Pero ‘yung vendor na nasa kalsada para magtinda at buhayin ang pamilya n’ya, hindi puwedeng lumabag sa batas kasi hindi ‘yun for a good cause? Papakainin mo ‘yung pamilya mo, hindi ba ‘yun good cause?

“Pero ‘yung graffiti artists hindi puwedeng lumabag sa batas kahit protest art ‘yung sinulat or ginawa n’ya sa pader? Hindi ba niya pwedeng i-invoke ang for a good cause?”

“Vandalism. Lakas maka-invoke na sumu­nod sa batas e s’ya ‘yung lumalabag. Kapag ikaw, okay lang?

“For elective local government officials, Section 90 of RA 7160 (Local Government Code) governs: SEC. 90. Practice of Profession. (a) All governors, city and municipal mayors are prohibited from practicing their profession or engaging in ‘any occupation’ other than the exercise of their functions as local chief executives.

“Anong mahirap intin­dihin sa any occupation?  Dilaan mo kaya billboards mo.”

Ang tinutukoy ni Atty. Tajar, ang banta ni Mayor na padidilaan niya sa mga nagba-vandal ang mga graffiti sa pader ng Lagusnilad underpass.

Nang makarating ito kay Yorme, agad siyang nagbigay ng pahayag at naging emosyonal habang nagpapaliwanag.

“Nagagalit kayo, pinagalitan ko kayo nang pinturahan ninyo ‘yung pader ng may pader dito. E, hiningi ko lang ‘yun, ipinangmalimos ko lang ‘yun dahil dugyot ‘yung underpass.

“O ngayon, sasama ang loob ninyo na nagkaroon ng gobyerno na nagsasaayos lang, o dahil sumama ang loob ninyo, hahanapan ninyo ng butas ng may butas, kahit butas ng karayom, bubutasin ninyo?

“‘Tapos kung manga­ngatuwiran tayo, baluk­tot? Dapat daw payagan ko ito dahil ‘yung ginawa ko raw, illegal. Dahil under Section 90, mema (may masabi lang). Anong buti noon sa Batangas? Dahil naiinis ka lang sa pagmu­mukha ko sa EDSA? Is that fair?

“Dahil minsan kong hinuli ang mga kasa­mahan mo, e, mali? Dahil baluktot ang panganga­tuwiran ninyo?” simulang paliwanag ni Yorme.

Dito na nagsimulang maging emosyonal si Mayor Isko, “Yung laway ninyo, walang bisa! ‘Yung luha ng nanay, hindi ninyo kaya ‘yun kasi hindi kayo naging mahirap!

“Yung umiiyak ‘yung tatay, umiiyak ‘yung nanay, may tumor ‘yung anak niya, walang maga­w­a ang gobyerno.

“Walang magawa ang mga mayor, kasi limitado ang kapang­yarihan sa paggastos sa isang pasyente dahil milyon… buhay niya? ‘Yan ang tinatamaan ninyo, ng kagalingan ninyo. Diyan kayo maga­ling!

“O, pumunta kayo rito, rito kayo manood ng tunay na sitwasyon ng tao! Makita ninyo ‘yung iyak ng ina na may tumor ‘yung anak niya.”

“Magagaling kayo, magaling lang kayo dahil nag-aral kayo, pero ‘yung pag-aaral ninyo, hindi ninyo ginamit sa maka­tuwirang pamamaraan.

“Bakit, palibhasa maganda ang bahay mo, panatag ka na? O, lahat ng mga produktong gus­tong magpaendo(r)so, ieendo(r)so ko kayo, maoperahan lang ‘yung bata na ‘yun,” may halong galit pang pahayag ni Yorme.

Samantala, matapos maglitanya, agad din nag-sorry si Isko, “Pasen­siya na kayo. I swear to God, I’m sorry, I’m really sorry.

“Ang masakit na portion doon, ‘yung mag-isip ka kung paano magiging maayos ‘yung mamamayan mo, kung paano mo maitawid sila. Pagod ka, hindi mo na nakikita ‘yung anak mo.

“Itutulog mo na lang, bibiyahe ka pa ulit para kunin lang ‘yung suspect dahil may mga umiiyak na mahal sa buhay. Sinu­nog ‘yung anak niya, nanay niya…’yung husti­sya.

“Wala kayo sa totoong mundo! Nabubu­hay kayo sa virtual world, wala kayo sa totoong mundo. Namumuhay kayo sa bundok. Inilalayo ninyo ang sarili niyo sa katotohanan at realidad ng lipunan. Namumuhay kayo sa mga aral, ideo­lohiya. Ito ang totoong mundo!”

“Mga kababayan, kayo na ang humusga sa akin. Then, if that’s the case, na maraming naaa­bot ‘yung perang ipina­mahagi ng mga pribado, sa ginagawa kong pag-endorse, para sa kapa­kinabangan ng pribado at, higit sa lahat, on top of everything, kapa­kina­bangan ng mga nalulugmok, biktima ng trahedya — then I will continue to do it.

“I will not stop. Mamatay ka sa inggit. O ngayon, tutal lawyer ka, I challenge you, taxpayer ka naman, e.

“Kung mali ang ginawa ko, hayaan ninyo na panagutan ko sa batas kung mali ang pagtulong sa taong bayan sa ibang klase, uri, at maka­tuwirang pamamaraan na hindi ginagamit na parang balewala na lang ang kaban ng bayan.

“Pera ng pribado, itinulong sa tao, mali? Huwag kayong makasu­bok sa Maynila, huwag kayong lalabag sa batas.”

Huling mensahe ni Yorme sa human rights lawyer,  ”Magaling ka palang abogado, e, di tumulong ka sa mahi­hirap. Punta ka rito sa Maynila, ang daming may kaso, kulang ng abogado. ‘Yun ang pagtulong.

“Ewan ko ba kung ano ang naituturo sa inyo sa unibersidad na ‘yan, hindi ko talaga alam. Nananahimik kami rito, mema lang kayo.”

About hataw tabloid

Check Also

Robin Padilla West Philippine Sea WPS

Para sa impormasyon tungkol sa West Philippine Sea
SEN. ROBIN, PCG GAGAWA NG PELIKULANG ANTI-FAKE NEWS

MAY pinaplanong sine si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla para maghatid ng tamang impormasyon sa …

Erwin Tulfo

Tulfo una sa bagong survey

NANGUNA si ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo sa pinakabagong senatorial preference survey na isinagawa ng …

Senate PCO

Seminar vs fake news hikayat ni Pimentel sa PCO para sa Senado

INIMBITAHAN ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Presidential Communications Office (PCO) na …

Las Piñas Seal of Good Local Governance

Las Piñas City pinarangalan ng Seal of Good Local Governance 2024 ng DILG

SA KAUNA-UNAHANG PAGKAKATAON, pinarangalan ang Las Piñas City ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance …

Siling Labuyo

Apela ni Kiko  
BANTAY SILING LABUYO, PRICE FREEZE SAKLAWIN

MAHIGPIT na implementasyon ng price freeze ang kailangan upang mapigil ang pagtaas ng presyo ng …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *