BATANGAS CITY – Inaprobahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kambal na resolusyon na sumusuporta sa adhikain ni Pangulong Rodrigo Duterte na agarang tulungan at makapagpatupad ng rehabilitation plan para sa mga biktima ng pag-aalboroto ng bulkang Taal.
Sa kauna-unahang sesyon ng Kamara na ginawa sa labas ng institusyon, pinagtibay ng mga kongresista ang House Resolution (HR) No. 662 na inakda nito lamang 21 Enero ni House Speaker Alan Peter Cayetano, Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez, Minority Leader Bienvenido Abante, Jr., deputy speakers Raneo “Ranie” Abu (Batangas), Dan Fernandez (Laguna), Paolo Duterte (Davao City), Vilma Santos (Batangas), Cavite Reps. Elpidio Barzaga Jr., Luis Ferrer IV, Abraham Tolentino, Batangas Reps. Mario Vittorio Mariño, Elenita Milagros “Eileen” Ermita-Buhain, Rep. Ma. Theresa Collantes, at Lianda Bolilia na nagsusulong sa P30 bilyong supplemental budget na hiniling ni Duterte para sa mga biktima ng bulkang Taal.
“Whereas, the Calamity Fund for the local government units is presently depleting and is insufficient to provide relief and rehabilitation assistance to the affected areas. Whereas, as a response of the disaster, the House of Representatives is willing to participate in necessary efforts to alleviate the suffering of our countrymen and ultimately restore normalcy to the affected regions. Now therefore be it resolved as it is hereby resolved, that the House of Representatives expresses its support and commitment to work with all the concerned agencies to pass the proposed supplemental budget to expedite effective and responsive to those affected by the Taal Volcano Eruption,” saad sa resolusyon.
Pinagtibay din ng kamara ang HR No. 655 na inakda nina Deputy Speakers Raneo Abu, Vilma Santos Recto at mga kongresista ng Batangas kabilang na si Mario Vittorio Mariño, Elenita Milagros Ermita-Buhain, Ma. Theresa Collantes, at Lianda Bolilia na naglalayong maipalabas sa lalong madaling panahon ang pondo para sa relief efforts, resettlement, livelihood at social development programs para sa benepisyo ng mga biktima ng bulkang Taal.
Sa ilalim ng HR No. 655, inaatasan ang mga komite ng Kamara na agad ipatawag ang NDRRMC upang magbigay ng briefing sa lawak ng pinsala ng kalamidad at kung ano pa ang mga kakailanganing tulong ng mga biktima.
Nagsagawa ng sesyon ang kamara sa Batangas Convention Center bilang tugon sa pangangailangan ng mga residente ng Batangas, Cavite, at Laguna na apektado ng kalamidad.
Kaugnay nito, hinamon ni Cayetano ang kamara na magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa mga kalamidad at trahedya lalo sa aspekto ng rehabilitasyon at muling pagbangon mula sa pagkakalugmok.
Hindi lamang aniya dapat ituon ang atensiyon sa relief efforts at lalong dapat mas bigyan pansin ang programang rehabilitasyon ng mga biktima ng kalamidad at trahedya sa bansa.
HATAW News Team