Sunday , December 22 2024

Bangon, Batangas!

KUMUSTA?

Nang maiwan ko ang backpack ko sa isang kambingan, iba’t ibang eksena ang naglaro sa isip ko habang nakaangkas sa motorsiklo para balikan ito.

Walang iniwan sa pagbabalikbayan.

Halo-halong emosyon sa habal-habal.

Maliban sa takot.

Alam kong wala akong helmet dahil nga biglaan.

Pinara lamang namin kasi ang isang binatang nagmo-motor noon sa kalye at karaka naman siyang pumayag.

Nang tinanong ako ng mag-asawang Leomar at Susan Alcantara, kung saan ako pupunta.

Ang sagot ko: “Naiwan ko ang bag ko.”

Biglang liko.

Sabay yukô.

Ang daming natumbang punô.

Harurot kami patungong Jhifame Eatery sa isang mahabang kalyeng may mga taong “namamalimos” o naghihintay ng magpapa­tanghalian sa kanila.

Mula sa samutsaring sasakyan.

Pista ang pakiramdam.

Malungkot na masaya dahil may kung ano-anong nakikita, naririnig, nalalanghap, nalalasa­han, at nararamdaman.

Magulo pero maayos naman.

Kabaliwang may katwiran?

Sa loob-loob ko, sana hindi lang ako sumamang mananghalian sa grupo.

Pero, sa kabilang banda, kabilang ako sa “Emergency Response Team” na inorganisa sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman ng aming College of Arts and Letters.

Dapat nandoon ako kung saan sila naroon.

Sa liham ni Dekana Amihan Bonifacio Ramolete, anak ng Pambansang Alagad ng Sining na si Amelia Lapeña Bonifacio, nangalap kami ng relief goods para sa mga mamamayan ng Agoncillo, Batangas.

Noong 17 Enero, sa kasamaang-palad, nabago ang plano.

Isa ang Agoncillo sa mga bayang wika nga ay naka-lockdown.

Kasama nito ang Alitagtag, Balete, Cuenca, Laurel, Lemery, Malvar, San Nicolas, Sta.Teresita, Taal, Talisay.

At ang ilang bahagi rin ng Lipa, Mataas na Kahoy, at Tanauan ay isinara rin.

Bakit?

Sapagkat pinayuhan ang lahat ng local government unit (LGU) ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Calabarzon ng Batangas Disaster Risk Reduction and Management Office (BDRRM) na mapanganib pa sa mga nasabing poblacion.

Nagkaroon kasi noon ng sapilitang paglikas dahil ang mga barangay roon diumano ay “vulnerable to ballistic projectiles, base surges, and volcanic tsunamis” dala ng pagsabog ng bulkang Taal.

Kaya kami — kasama ang ilang kasapi o kawani ng Diliman Emergency Response Team, UP Health Service, UP Community Chest, Universal Evangelical Church, UP Diliman Police, UP Office of the Vice Chancellor for Community Affairs,  Commission on Audit, at maraming ibang ayaw pabanggit – ay sumunod lamang sa utos.

Alas-tres ng madaling-araw ay nagkarga kami sa bagong-bagong bus ng UP Men’s Basketball Team na animo’y amoy-Kobe Paras!

Naalala ko tuloy ang mga larong di-natuloy sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) dahil nga sa ashfall.

Halos kalahati ng sasakyang ipinahiram ng UP College of Human Kinetics – sa tulong ng opisina ng UP President — sa ibaba’t itaas, ay napuno ng mga donasyong diaper, kumot, face mask, tsinelas, at damit na nasa higanteng supot na plastik.

De-lata at tubig na nanatiling naka-kahon mula sa suking supermarket na pinakyaw ni Eric Bon Juanillo at pinagkasya sa kaniyang school service.

Unang bagsak ay sa isang marangyang bahay na may maraming bakwit na may mas maraming punto at puntodebista.

Ikalawang bagsak ay sa San Luis Academy Inc. sa Brgy. Calumpang West. Nakilala si Gng. Nova Aguilera na kaisa-isang konsehala sa gabinete ni Kapitan Ariosto de Gracia na ipinakita sa amin ang mga bigas na may bukbok.

Ikatlong bagsak ay sa munisipyo ng Cuenca. Walang masyadong nandoon maliban sa mga naghihintay sa amin para kunin ang aming pasalubong. Hanggang isang dalagang naka­hawak sa kaniyang selepono. Nakatutok nang nagtatanong: “Sir, tagasaan kayo?” Sabi ko: “UP Diliman.” Nakiusap ako na huwag na niya akong kunan. Photo man o video. Pero, parang hindi niya ako narinig.

Sa isang sulok ng bus, tahimik kong napansin ang mga pangit sa atin: (a) ang pagiging sakim halimbawa ng mga oportunistang negosyante; (b) ang pagiging konsentidor ng mga magulang sa mga pasaway na anak sa evacuation; (c) ang kawalan ng disiplina na naganap kung kailan kami papaalis na; (d) ang kawalan ng kusang-palo lalo na sa mga sagana sa biyaya; (e) ang pagiging pihikan sa gitna ng kakulangan; (f) ang hilahan at inggitan sa kanilang mga  pagtanggap; at (g) ang pagiging lutang!

Dahil dito, bumaba ako.

Nagpahangin.

Natauhan.

Doon ko nakita ang aking sarili.

Sa kapuwa ko Filipino.

Sa kalamidad na ito, nariyan ang pakiki­pagkapuwa-tao.

Nandiyan pa rin ang dangal sa loob at labas ng mga mag-anak.

Sa krisis, nagagawa pa natin matuwa’t matawa lalo na sa mga damit nilang nakuha at nakuha pa nilang mag-fashion show ng mga gown o Girl Scout uniform at iba.

Biruin mong nagkaroon pa ng Tala para sa Taal o ang Dance Flash Mob For A Cause na dinumog ng mga naka-pink na Popsters — o ang mga fans ni Sarah Geronimo — sa Luneta noong ala-una ng 18 Enero sa halagang P100!

May bayanihan pa rin pala kahit hindi na kubo ang binubuhat nila.

Kahit ang mga riders na linggo-linggong dumadalaw sa Taal ay may mga sakay na sako at kung ano-ano pang kargamento.

Hindi matatawaran ang sipag at tiyaga ng bawat isang naglilinis hindi ng kani-kanilang bakuran.

Saan kaya nanggagaling ang galing nila para sabihing “Ala e, kayang-kaya namin ire?”

O saan sila humuhugot ng tibay at tatag?

Saan pa kundi sa Dakilang Lumikha.

Na lumikha rin ng mga bulkan.

At ng bag kong binalikan.

“Ano bang laman niyan?”

“Wala lang,” sagot ko.

Ipinakita ko ang mga bolpen, krayola, lapis, papel, at libro.

Doon kasi sana ako tutula o magkukuwento para sa mga bata.

At, kung papalarin, makapagbigay ng expressive arts therapy.

Kaya, siguro, para akong urong-sulong kung gagawin ko noon.

Gaya ngayon, iisa pa rin ang aking tanong sa sariling nakangiti sa mga totoy at nene sa malayo: “Hanggang kailan kaya sila mag­durusa?”

KUMUSTA?
ni Vim Nadera

About Vim Nadera

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *