NAKATUTUWA ang pagbuhos ng tulong at suporta ng mga kababayan natin mula sa iba’t ibang lugar sa buong bansa para sa mga kababayan nating sinalanta ng pag-aalboroto ng bulkang Taal.
Talaga naman pong ang daming gustong tumulong. Nag-oorganisa ng iba’t ibang aktibidad para makapagpaabot ng tulong sa mga kababayan nating inilikas na patungo sa iba’t ibang evcuatuion centers sa mga karatig lugar. Kaya naman marami ang nagpapasalamat sa kanila. Pero may ilang puna lang din po tayo. Kasi kung sino pa ‘yung may kakayahang tumulong ‘e sila pa ‘yung ang lakas din humingi ng donasyon.
Sana lahat ng gustong tumulong, ay dumukot din sa sariling bulsa nila. Lalo na ‘yung mayroon talagang dudukutin. Magbigay kayo huwag kayong manghingi. Hindi gaya ng ibang tumutulong na hindi na kailangan pang mang-abala ng ibang tao. Sila mismo sa sarili nila ang nagbibigay. Gaya ni Nanay Belen na imbes gastusin sa kanyang 75th birthday ay inilaan sa pagtulong sa mga bakwit na biktima ng pag-aalboroto ng bulkang Taal.
Ikalawa, maging sensitive po tayo sa ipagkakaloob na tulong. Ang ibigay po natin ay ‘yung kailangang-kailangan nila. Gaya ng kumot, kutson, underwear, hygiene kits, damit, tubig, pagkain, medicines atbp., na kailangan ng mga bakwit ngayon na nasa evacuation centers.
Ang susunod na kailangan ng mga bakwit, ay kung saan muna sila pansamantalang ilalagay para mamuhay nang normal habang hindi pa puwedeng balikan ang kanilang mga tahanan.
‘Yan po ay para huwag silang magkasakit. Alam naman natin na kapag tumatagal sa evacuation centers ang mga bakwit ay dinadapuan na sila ng iba’t ibang uri ng sakit lalo ‘yung mga sanggol, bata at matatanda.
Siguro po, bawat local government units (LGUs) na mayroong mga pabahay ay ipagamit muna sa mga bakwit.
O kaya, ang real estate lords na Villar family, ngayon nila ipakita ang malasakit sa kapwa. Ipagamit muna nila ang mga subdibisyon nila na wala pang tao sa mga bakwit.
Bawat LGUs na malapit sa napinsalang bayan ay maglunsad ng adopt evacuees program kahit pansamantla lang nang sa gayon ay hindi na sila maharap pa sa panibagong problema sa kalusugan.
Sa panig naman ng mga ahensiya ng pamahalaan, lalo sa Department of Agriculture (DA), tulungan ang mga kababayan natin sa paglikas at pagsagip sa mga alagang hayop na kanilang kabuhayan.
Kawawa ang mga alagang hayop na naiwan sa lugar dahil wala silang makain na damo at wala na rin mainom na malinis na tubig.
Sa pagdedeklara ng “no man’s land” sa Taal island, sana naman ay huwag itong samantalahin ng looters at land grabbers.
Pakiusap lang, tantanan ninyo ang mga kahidhiran ninyo!
Sa huli, huwag po nating kalimutan na isama sa dalangin ang ating mga kababayan at ang ating kapaligiran na patuloy na pinagsasamantalahan ng mga hidhid sa kuwarta.
Kung ipinagmamalaki ninyong sandamakmak na ang mga kuwarta ninyo ‘e tigilan na ninyo ang kasuwapangan.
Matakot at mangilabot kayo sa mga nagaganap sa ating kapaligiran.
‘Yun lang po.
PINAY NA NAMEKE
NG CREDENTIALS
KULONG
SA SINGAPORE
Kung mayroong Recto University at Diploma Mill institution dito sa Filipinas, sa Singapore po ay hindi umuubra ‘yan.
Isang Pinay po ang pitong linggong nakulong sa Singapore dahil nagpresenta siya ng pekeng diploma mula sa isang sikat na unibersidad sa Mendiola.
Nag-apply umano para sa kanyang permanent residency ang Pinay at isa sa mga credentials na ipinakita niya ang diploma mula sa isang inirerespetong unibersidad sa bansa.
Ang siste, kinompirma ng Immigration and Checkpoints Authority (ICA) ang papeles ng Pinay, hayun buking!
Ibang-iba talaga sa Singapore.
Hindi katulad dito sa atin, na ang ‘peke’ o credentials na galing sa diploma mill na unibersidad ay nagagamit na ‘pantapal’ makapasok lang sa gobyerno.
Dahil may papeles pero wala namang kapasidad ay nakasusungkit ng puwesto sa gobyerno. Arayku!
Kailan kaya darating ang panahon na ang gumagamit ng mga credentials na hinokus-pokus ay makukulong na rin dito sa Filipinas?!
Sana’y dumating ang panahong ‘yun…
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap