DARATING pa ang maraming gulay mula sa lalawigan ng Benguet para sa mga biktima ng pagsabog ng bulkang Taal dahil sa patuloy na relief operations ng mga lokal na maggugulay ng lalawigan.
Ayon kay Agot Balanoy ng League of Associations in the La Trinidad Vegetable Trading Post, nakapag-ipon sila ng 3,000 kilo ng sari-saring gulay mula sa kanilang mga miyembro kalakip ang pag-asang makatulong ang kanilang donasyon sa mga bakwit.
Dagdag ni Balanoy, dadalhin ang natipon nilang mga gulay sa lalawigan ng Batangas sa Linggo, 19 Enero, katuwang ang Department of Agriculture sa Cordillera na magpapahiram ng truck sa kanila.
Noong isang buwan, nagbigay din ng donasyong gulay ang mga lokal na maggugulay sa Benguet sa mga nasalanta ng mga bagyong Quiel at Ramon sa lalawigan ng Apayao.
Samantala, nauna nang mamigay ng kanilang mga ani ang mga maggugulay mula sa Mt. Pulag sa mga biktima ng pagsabog ng Taal.
Sa lalawigan ng Mt. Province, nagpadala ng mga sayote at iba pang aning gulay ang mga maggugulay ng Sagada sa Batangas evacuees sa tulong ng kanilang lokal na pamahalaan.