ISANG pasaherong babae ang sugatan nang mahulog sa riles ng Light Rail Transit (LRT) Line 1 makaraang mahilo sa Doroteo Jose Station sa Sta, Cruz, Maynila kahapon ng umaga.
Dahil sa pangyayari, pansamantalang itinigil ang operasyon ng LRT Line 1 upang mabigyan ng tulong ang babaeng pasahero na hindi pinangalanan, edad 32 anyos.
Sa report ni Jacqueline Gorospe, Corporate Communication head ng Light Rail Manila Corporation, nangyari ang insidente sa riles ng Doroteo Jose Station northbound lane na sinasabing nahilo ang babae habang naghihintay ng train dakong 6:45 am.
Sinabi ni Gorospe, agad isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktima na nagkagalos sa mukha at patuloy na inoobserbahan.
Nagulat ang mga security guard nang mahulog sa riles ang nasabing babae agad nilang natulungan at isinugod sa pagamutan.
Muling nagpaalala ang pamunuan ng LRMC sa mga pasahero ng LRT na kung makaramdam ng pagkahilo ay agad ipagbigay-alam sa kanilang mga guwardiya at mga kasabay na pasahero para agad matulungan.
Humingi ng paumanhin ang pamunuan ng LRT-1 sa mga naabalang pasahero sa pagkaantala ng biyahe ng kanilang mga tren.
Dakong 8:00 am nang maibalik ang operasyon ng LRT-1.
Samantala dakong 2:00 pm ay naglabas ng pahayag ang pamunuan ng LRMC kaugnay sa insidente ng pagkahulog ng naturang babae.
Sa paglilinaw ng LRMC, inilipat sa Medical Center Manila ang babae upang mabigyan ng full medical examination at sumailalim ito sa X-ray ultrasound at CT scan.
Sa initial medical findings, ang biktima ay may head lacerations at gasgas sa mukha dahil sa pangyayari.
Sa kasalukuyan, patuloy na nagsasgawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa insidente.
Pinuri ng LRMC ang train operator na may presence of mind o naging alisto kaya agad nag-emergency break.
Sa kabila ng insidente, tiniyak ng LRMC ang ligtas at maayos na serbisyo sa mga pasahero, sabay nananawagan sa mga sumasakay sa LRT-1 na sumunod sa rules and regulations sa mga estasyon at mga tren upang maiwasan ang hindi kanais-nais na insidente.